Anak ni Ka Oris, manugang nito, pinaslang ng militar
Pinasinungalingan ni Ka Malem Mabini, tagapagsalita ng Bagong Hukbong Bayan-North Central Mindanao Region (BHB-NCMR) ang pahayag ng 8th IB at 4th ID na napaslang sa isang engkwentro sina Vincent Madlos, anak ni Ka Oris at Maria Malaya, at asawa niyang si Glorivic Belandres noong Setyembre 3 sa Barangay Capitan Bayong, Impasug-ong, Bukidnon. Ayon kay Ka Malem, dinakip ng militar ang dalawa bago paslangin.
Sa nakalap na ulat ng BHB-NCMR, pilit isinakay ng militar sa isang sasakyan ang dalawa habang naghihintay ng sundo sa Atugan Bridge noong Sabado. Matapos nito, iniulat na lamang ng 403rd IBde na napaslang ang mag-asawa sa isang engkwentro sa Barangay Capitan Bayon, 1.5 kilometro ang layo mula sa naturang tulay.
Ayon kay Marco Valbuena, Chief Information Officer ng Partido Komunista ng Pilipinas, dapat kundenahin ang 4th ID sa pagpaslang sa dalawa. Dagdag pa ni Valbuena, isa itong krimen sa digma at malubhang paglabag sa internasyunal na mga batas na dapat ay nagtitiyak sa karapatan ng mga inarestong indibidwal.
Liban pa dito, binastos ang katawan ng dalawa sa pagbalandra sa lupa at paglalagay ng mga baril para palabasing armado sila.
Ipinanawagan ni Valbuena na dapat kagyat na ibigay sa mga kapamilya ang bangkay ng dalawa para maayos na makapaglamay. Gayundin, mayroon umanong opsyon ang mga kaanak na ipasailalim ang mga bangkay sa isang autopsy para alamin ang tunay na sirkumstansya ng kanilang pagkamatay.
Matatandaan na sa insidente ng pagkamatay ni Ka Oris at kanyang medik na si Ka Pika, agad na ipina-cremate ng 4th ID ang mga bangkay para pagtakpan ang krimen ng militar sa pagpaslang sa kanila nang walang kalaban-laban.