Balita

Anim na taong palpak na serbisyo ng Primewater sa Sorsogon

,

Ipinagdiwang nitong Oktubre 14 ng PrimeWater ang ika-anim na taon ng negosyo nito sa Sorsogon City. Pero para sa Sorsoganon, laluna sa mga naninirahan sa 32 barangay na sakop ng naturang kumpanya, walang dapat ipagdiwang sa anim na taon ng palpak na serbisyo at pataas ng pataas na singil nito sa serbisyong tubig.

“Mahal na nga ang singil wala pang tulo ng tubig sa gripo,” bwelta ng mga Sorsoganon. Kung malasin ay parang kape ang tubig na lumalabas sa gripo. Ang ilang taon nang kapalpakan ay bunga ng joint venture agreement (JVA) ng Sorsogon City Water District (SCWD) at PrimeWater Infrastracure Corp., isang kumpanyang pag-aari ng malaking burgesyang komprador na pamilyang Villar.

Inilalabas ng mga residente ang kanilang disgusto sa serbisyo sa social media. Ayon kay JP isang residente sa Brgy. Macabog, “tuwing umaga lang kami nagkakatubig, mabilisan pa ang pag igib, mas madalas wala. Nanganganaan na kami kaka-igib sa poso, kaya nga kami nagbabayad para di na namin kailanganin magposo buti kung wala kaming karinderiya”.

Sa kabila ng madalas na pagkaputol ng serbisyo, hindi nababawasan ang bayad sa tubig ng mga residente. Kahit hangin lamang ang lumalabas sa gripo, pumapatak pa rin ang metro. “Sige ang (anunsyo) na walang tubig, eh araw araw naman walang tubig!” reklamo ng isa pang residente. “Simula Agosto, tuwing madaling araw na nga lang may tubig sa amin, ang hina pa. Pahirap sa buhay ang PrimeWater” ayon kay Nica, residente ng Brgy Burabod.

Unang pumasok sa kasunduan ang SCWD noong 2012 sa Abejo Water Company, isang kumpanya mula sa Cebu, upang magsuplay ng 3 MLD (million liter per day) sa lalawigan. Taong 2016 naman ay pumasok muli ang SCWD sa kasunduan sa PrimeWater. Sa JVA na ito, ang Primewater na ang nangangasiwa sa operasyon, pagmamantini at pagsingil sa tubig habang taga-monitor na lamang ang tungkulin ng SCWD sa loob ng 25 taon.

Noong 2017, isang taon pagkapasa ng JVA ay nagkaroon ng 12% dagdag singil para sa value added tax. Sa pangatlong taon naman noong 2018 ay muling nagdagdag ng 27% singil para diumano sa pagpapaunlad ng serbisyo. Hinati ito sa dalawang singilan—ang unang 15% singil ay ipinatupad noong Oktubre 2021 (o ₱32.09 na dagdag singil para sa isang bahay na kumokonsumo ng 0 hangang 10 metro kubikong tubig). Ang pangalawang pagtaas (12%) ay ipatutupad oras na matapos ng PrimeWater ang obligasyon nito sa SCWD Board of Directors. Ayon sa napagkasunduan ng SCWD at PrimeWater, magkakaroon ng kabuuang 39% ng pagtaas ng taripa sa unang limang taon.

Naghain ng resolusyon sa Sangguniang Panlunsod ng Sorsogon upang isuspinde ang pagtaas ng taripa sa tubig dahil sa kawalan nito ng konsultasyon sa publiko at bilang pagkonsidera sa krisis dulot ng pandemya. Sa kabila nito, itinuloy pa rin ng PrimeWater ang pagtaas ng singil.

Sa kabila ng paulit-ulit na pagtaas ng singil sa tubig, nananatiling bulok ang serbisyo ng PrimeWater. Ayon sa sarbey ng mga kostumer ng Primewater, 40.05% sa 9,641 tinanong ay nakaranas ng 0-20 oras ng pagkaputol ng serbisyo sa tubig, 25.64% ang nakararanas ng mahinang tulo, 73.24% ang nakakaranas ng maruming tubig habang 65.59% ang nagsabing hindi sila nasisiyahan sa serbisyo ng PrimeWater.

Ayon na mismo sa General Manager ng SCWD na si Engr. Eduardo Tejada ay paulit-ulit ang paglabag ng PrimeWater sa JVA, ngunit wala silang magawwa. Aniya, kulang ang sistema sa filtration (pagsasala), pumping station, at chlorinator system (paglalagay ng klorin) ng kumpanya. Napakababa rin ng kalidad ng tubig na kanilang pinoproseso at hindi sila sumusunod sa pamantayan ng malinis na tubig na itinakda ng Philippine National Standards for Drinking Water.

Sa desperasyonng isalba ang kanilang imahe at pahupain ang galit ng mamamayang Sorsoganon, nagbuo ang Primewater ng mga iskema o promo tulad ng “Konek now, Pay later” kung saan ay ipagpapaliban ang pagbayad ng singil sa pagpapakabit ng tubo sa tubig na ₱3,900, papremyong limang kilong bigas sa unang 100 magpapakabit at libreng muling pagpapakabit na ₱1,446 para sa naputulan ng linya ng tubig.

Sa buong Pilipinas, umabot na sa 124 water district ang kontrolado ng PrimeWater sa pamamagitan ng mga joint venture agreements. Tulad sa Sorsogon, samutsari ring reklamo ang kinakaharap ng kumpanya dahil sa palpak na serbisyo. Kabilang dito ang Sta. Cruz, Laguna, Bacolod City at Angeles City.

AB: Anim na taong palpak na serbisyo ng Primewater sa Sorsogon