Anti-mangingisdang Philippine Fisheries Code of 1998, ipinababasura

Kinalampag ng mga mangignisda ang upisina ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Quezon City noong Pebrero 24 para igiit ang pagbabasura sa mapaniil na Philippine Fisheries Code of 1998 sa ika-25 anibersaryo nito. Liban dito, ipinatitigil nila ang paghuhukay ng lupa o dredging at mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay na nakapipinsala sa kalikasan at kabuhayan ng maliliit na mangingisda.

Paninindigan ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), inilugmok sa hirap ng Fisheries Code ang maliliit na mangingisda. Ang limitadong 15 kilometro mula sa baybayin na inilaan para sa kanila ay pumabor sa mga komersyal at dayuhang barkong pangisda. Giit pa nila lalong naging laganap ang pagbabakod ng tubig at marami ang hinuhuli dahil sa “illegal entry.”

Samantala, binatikos ni Aries Soledad, koordineytor ng grupo sa Cavite, ang dredging o paghuhukay sa Manila Bay. Nagdudulot ng “signipikanteng pinsala” sa maliliit na mangingisda ang aktibidad, aniya. Isinalaysay niya ang masasamang epekto ng dredging tulad ng pagkagambala at pagtataboy ng mga isda dahil sa polusyon sa ingay, mas malalaking alon at pagtaas ng agos ng tubig sa mga dredging site, mga insidente kung saan ang mga lambat ng pangingisda ay hinahakot ng mga kagamitan sa dredging kasama ng mga buhangin, at pagbagsak ng dami ng isda dahil sa polusyon at pagkagambala sa lugar ng mga isda.

Kabilang umano sa listahan ng mga mapangwasak na dredging ang isinasagawa ng Silverquest Mining Resources Inc. (SMRI) na nakatanggap ng pahintulot mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa paghuhukay sa buhangin sa mga bayan Ternate at Naic sa Cavite noong 2021. Sinasaklaw ng operasyon ng naturang kumpanya ang 2,124 ektarya na katubigan ng naturang mga bayan at nagsasagawa ng dredging sa 318-ektaryang Manila Waterfront Project.

Liban dito binatikos ng Pamalakaya ang hindi bababa sa 187 proyektong reklamasyon sa buong bansa na sumasaklaw sa 25,000 ektarya ng tubig pangisda, kung saan 30 sa mga ito o 16% ay nasa Manila Bay. Tinataya nito na hanggang 70% ang nawala sa produksyon ng pangisdaan ng Manila Bay.

AB: Anti-mangingisdang Philippine Fisheries Code of 1998, ipinababasura