Balita

Badyet 2023 para sa utang, pasismo at korapsyon

,

Pinabulaanan ng ACT Teachers Party-list ang pinalalabas ng rehimeng Marcos na ang sektor ng edukasyon ang may pinakamalaking bahagi sa badyet na isinumite nito sa Kongreso. Ang totoo, ang pinakamalaking alokasyon ay nakalaan sa pagbabayad ng utang. Tinatayang aabot sa ₱14.63 trilyon ngayong taon ang utang ng Pilipinas.

Halos sangkatlo (₱1.6 trilyon) sa ₱5.263 trilyong badyet ang nakalaan para sa bayad utang—mas mataas kumpara sa ₱1.3 trilyong nakalaan para sa kasalukuyang taon.

Kalahati lamang nito ang ilalan sa edukasyon na ₱852.8 bilyon. Bagamat tumaas kumpara sa badyet ngayong taon, malayo ito sa inirerekomenda ng United Nations na porsyento na dapat ilaan ng mga bansa para sa sektor.

“Kung susundin natin ang United Nations at totoong priority ng ating gubyerno ang edukasyon,” pahayag ni Rep. France Castro ng ACT Teachers Party-list.

“Malayong-malayo ang ₱852.8 bilyon na sinasabing inilaan para sa edukasyon na paghahatian pa ng DepEd, SUCs, CHED at TESDA sa 6% ng ating GDP,” aniya.

Sa inisyal na pag-aaral ng ACT, bulto ng idinagdag sa badyet para rito ay mapupunta sa Education Assistance and Subsidies o pondo para sa mga pribadong paaralan at kapitalistang mga may-ari nito. Nananatiling mababa ang badyet para sa operasyon ng pampublikong mga eskwelahan at suporta para sa mga guro at estudyante sa kanilang face-to-face na mga klase.

Kinundena rin ni Castro ang pagbawas ng rehimeng Marcos sa badyet ng University of the Philippines nang ₱2.5 bilyon, gayundin ang badyet para sa UP Philippine General Hospital nang ₱893 milyon.

Ayon sa kongresista, kailangan ng sektor nang di bababa sa ₱1.3 badyet para sa susunod na taon.

Prayoridad ang kurakot at pasismo

Liban sa bayad-utang, mas malalaki rin ang inilaan para sa grandyosong programang Build-Build-Build na minana ng rehimeng Marcos kay Rodrigo Duterte.

Sa pag-aaral ng Ibon, sinabi nitong ang Department of Public Works and Highways ang may pinakamalaking parte sa kabuuang badyet (13.6% o ₱718.4 bilyon). Hawak ng ahensyang ito ang bulto ng mga proyektong imprastruktura na bantog sa pagiging palabigasan ng naghaharing pangkatin at kanilang mga kasosyong burgesya.

Mas mataas ito kumpara sa 13.5% o ₱710.7 bilyon) na bahagi ng DepEd. Ang iba pang pondo ay nakalaan sa Commission on Higher Education (0.6% o ₱30.5 bilyon), state universities and colleges (1.9% o ₱97.7 bilyon) at DTI-TESDA (0.3% o ₱13.7 bilyon).

Sunod na may pinakamalaking bahagi ang bayad sa interes ng utang na 11.1% o ₱582.3 bilyon. (Hiwalay ito sa pambayad sa prinsipal ng utang na awtomatikong pinaglalaanan at di idinadaan sa deliberasyon ng Kongreso.)

Kasunod ang mga badyet para sa Department of National Defense (4.6%) at Department of Interior and Local Government-Philippine National Police (3.6%) na may pinagsamang pondong ₱432 bilyon.

Malayo na rito ang alokasyon sa Department of Health (3.7% o ₱196.1 bilyon) at Philhealth na 1.9% o ₱100.2 bilyon.

Mas mababa ang alokasyon sa Department of Agriculture na 1.9% o 102.2 bilyon, Department of Agrarian Reform (0.3% o ₱15.9 bilyon) at Department of Labor and Employment (0.5% o ₱26.2 bilyon.)

Tapyas sa mga ahensyang nagtataguyod ng kasaysayan

Samantala, ibinunyag ng Gabriela Women’s Partylist ang pagtapyas ng rehimen sa apat na ahensyang nagtataguyod sa arte at kasaysayan. Halos 84% ang ibinawas sa badyet ng National Commission for Culture and Arts.

Nasa 22%-27% naman ang ibinawas sa National Archives of the Philippines, National Historical Commission of the Philippines at National Library of the Philippines. Hawak ng tatlong ahensyang ito ang mga istorikal na materyal at dokumentasyon kaugnay sa madidilim na taon sa ilalim ng batas militar ni Ferdinand Marcos Sr.

AB: Badyet 2023 para sa utang, pasismo at korapsyon