News

Badyet pandigma ng US, lalong pinalaki ng gubyernong Biden

Ipinasa noong Setyembre 23 sa Kongreso ng US ang panukalang dambuhalang badyet para sa Pentagon (Department of Defense) para sa 2022. Sa botong 315-113, iginawad ng mga kongresista ang $768 bilyong pondo sa militar nito — mas mataas ng $25 bilyon sa aktwal na hiningi ng presidente ng US na si Joseph Biden. Mayorya o 181 sa mga bumoto ay mga Democrat na kapartido ni Biden.

Mas malaki ang pondong ito sa pinagsamang badyet ng Department of State, Justice, Education, Transportation, Health and Human Services at ng Environmental Protection Agency ng US para sa susunod na taon.

Mas mataas din ito nang P20 bilyon kumpara sa ibinigay na pondo ng administrasyong Trump para sa 2021. Ito ay sa kabila ng paglusaw ni Biden sa dating $65-bilyong Overseas Contingency Operations na nagpopondo sa mga gerang agresyon at interbensyong militar ng US sa iba’t ibang bahagi ng mundo (kabilang sa Pilipinas). Kapalit nito, ibayong pinalobo ni Biden ang batayang badyet ng militar nang $104 bilyon — mula $635.5 bilyon ngayong taon tungong $739.5 bilyon sa 2022.

Malaking bahagi ng badyet ay mapupunta sa tinatawag na military-industrial complex (katawagan sa mahigpit na relasyon ng mga upisyal militar sa dambuhalang mga kumpanya ng armas) sa anyo ng mga kontrata sa pagmamanupaktura ng dagdag at bagong mga armas. Kabilang sa mga kontratang ito ang $28.4 bilyong pondo para sa paggawa ng 13 bagong mga barkong pandigma at $11.7 bilyon para sa pagbili ng 80 F-35 fighter jet mula sa Lockheed Martin.

Bilyun-bilyon ang inilaan ng US para sa pagpapaunlad ng di bababa sa pitong klase ng bombang nukleyar at “pagmodernisa” ng suplay nito ng plutonium. iban pa rito ang “pagmodernisa” ng “depensang nukleyar” na nakalatag sa US sa ilalim ng programang Ground Based Strategic Deterrence ($2.6 bilyon). Malaki rin ang inilaan para sa paglalagay ng mga bomba at misayl na nukleyar sa mga submarino, eroplano at barkong pandigma na naglalayag sa buong mundo, partikular sa South China Sea, sa ngalan ng freedom of navigation operations. Ang mga sasakyang pandigmang ito ay pumapasok sa mga teritoryong dagat ng mga bansa nang walang paalam, at “nagpapahinga” sa mga daungan ng kaalyado nitong mga bansa tulad ng Pilipinas.

Ang pag-arangkada sa produksyon at paggamit ng mga misayl at bombang nukleyar ay bumwelo matapos umatras ang dating administrasyong Trump sa Intermediate-Range Nuclear Forces Treaty. Buong-buo itong itinataguyod ngayon ng administrasyong Biden.

Kaugnay sa mga operasyong militar nito sa Asia, ilulunsad ng US ang programang Pacific Deterrence Initiative ($8.8 bilyon) na planong maglatag ng mga nakabase-sa-lupa na sistemang misaly sa iba’t ibang bansa na kabilang sa tinatawag nitong “first island chain” sa South China Sea. Plano rin nito ang paglalagak ng mga armas (nukleyar at di nukleyar) sa mga base militar ng US sa loob ng bansa. Layunin nitong palibutan ng mga sandata naka-asinta sa China para diumano takutin ito laban sa paggawa ng anumang agresibong hakbang. Kabilang ang Pilipinas sa mga bansang target ng US na lagyan ng mga misayl na ito.

AB: Badyet pandigma ng US, lalong pinalaki ng gubyernong Biden