Bagong kaso ng pagpaslang ng dating mandirigma sa Sorsogon, naitala
Pinaslang ng mga elemento ng 31st IB si Joseph Esperanzate, 42, sa kanyang tahanan sa Purok Iraya, Barangay Union sa bayan ng Gubat, noong Disyembre 17, bandang alas-4 ng umaga.
Si Esperanzate ay dating naging myembro ng Bagong Hukbong Bayan (Bagong Hukbong Bayan) noong 2013 ngunit matagal nang nagbuhay sibilyan. Mula 2019, ilang beses na siyang pinipilit ng militar na pumaloob sa E-CLIP ngunit tumanggi siya at sinabing gusto niyang mamuhay nang tahimik.
Si Esperanzate ay ikalawang biktima ng pamamaslang sa prubinsya ngayong taon at ikalawang dating mandirigma na tinarget ng AFP dahil sa pagtanggi niyang pumaloob sa E-CLIP.
Matatandaang unang pinaslang si Arnel Halum noong Nobyembre dahil sa pagtanggi niyang maging bayarang ahente na ng estado. Nilapitan siya noon ng mga nagtraydor at nagpagamit sa AFP.
Ayon kay Samuel Guerrero, tagapagsalita ng BHB-Sorsogon, “Ang pagpaslang kina Halum at Esperanzate ay nagpapatunay lamang na hindi ligtas sa pasismo at ekstrahudisyal na pamamaslang kahit ang matagal nang nagpahinga na mandirigma na sibilyan na ang katayuan.”
“Para sa AFP, dalawa lamang ang pwede pagpilian ng mga dating mandirigma — ang “sumurender” sa ilalim ng E-CLIP at magpagamit sa pasismo ng AFP at PNP o kamatayan,” dagdag niya.