"Bagong Pilipinas" ni Marcos, itinakwil ng kabataan

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Itinakwil ng progresibong kabataan ang “Bagong Pilipinas” ni Ferdinand Marcos Jr na nakatakdang ipagmamalaki niya sa nalalapit niyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ngayong Hulyo.

“Sa Bagong Pilipinas ni Marcos, binihisan lang muli ng administrasyon ang mga nabubulok nang paandar ng mga nagdaang administrasyon para ipakita ang ‘pag-unlad’ na sa katotohanan ay kabaligtaran,” pahayag ng tagapangulo ng League of Filipino Students na si Elle Buntag sa press conference ng kabataan noong Hulyo 10 na pinamagatang “Bagong Pilipinas: Reyal o Fakeh?”

Ang Bagong Pilipinas ay walang iba kundi mga huwad na pangako at palpak na mga maniobra na bigong magbigay ng abot-kayang edukasyon sa mga Pilipino, ipagtanggol ang pambansang soberanya at mga karapatang-tao, ayon sa grupo.

“Lugmok ang ekonomya, libu-libong kabataang Pilipino ang jobless, at walang matibay na industriya ang bansa. Pero ano ang sagot ni Marcos Jr dito? Labor export sa mukha ng global competence at job readiness,” bwelta ng grupo.

Binatikos din ng kabataan ang libu-libong kaso ng paglabag sa mga karapatang-tao, pagtindi ng militarisasyon sa kanayunan, ekstrahudisyal na pamamaslang at iba pang usapin ng mamamayan na hinarap ng rehimen sa pamamagitan ng mga inutil na programa. Kinundena rin nila ang pangangayupapa ni Marcos sa imperyalistang US at pagpayag nitong makaladkad ang bansa sa girian nito sa China.

“(W)alang bago sa Bagong Pilipinas at isang mahabang bangungot lamang sa mamamayan ang (programang) Bayan Bangon Muli,” anito.

Lalahok ang LFS at iba pang grupong kabataan sa protesta sa ikatlong SONA ni Marcos sa Hulyo 22.

AB: "Bagong Pilipinas" ni Marcos, itinakwil ng kabataan