Bagsak na edukasyon sa Pilipinas, isa sa pinakamalala sa buong mundo

Sadsad sa mga pamantayan ng pagkatuto ang katayuan ng batayang edukasyon sa Pilipinas ngayon. Pinalala ng maling patakaran ng absoluto at matagal na pagpapasara sa mga eskwelahan sa panahon ng pandemya ang dati nang mga masidhing krisis sa sistema sa edukasyon.

Sa pinag-isang ulat na inilabas noong Hunyo ng iba’t ibang internasyunal na ahensya na may pamagat na The State of Global Learning Poverty: 2022 Update, inilathala ang mga gradong natamo ng Pilipinas sa internasyunal na pagsusulit sa mga estudyante sa elementarya noong 2019. Sa naturang pagsusulit na sumukat sa tindi ng krisis (mas mataas, mas malala), nakakuha ang Pilipinas ng gradong 90.9 sa learning poverty (kasalatan sa pagkatuto) at 90.4 sa learning deprivation (pagkakait ng pagkatuto). Ang abereyds na grado para sa mababa at katamtamang-kitang mga bansa ay inilagay sa 57. Sinusukat ang learning poverty sa kakayahan ng isang batang edad 10 (ipinagpalagay na nasa Grade 4) na makabasa at makaintindi ng isang simpleng kwento.

Kagrado ng Pilipinas ang mga bansang binabayo ng mga gera, matitinding krisis at kahirapan tulad ng Afghanistan (93.4), Niger (90.4), Yemen (94), Zambia (98.5), Chad (94.4), Cambodia (90) at ilan pang bansa sa Africa. Sa kabilang banda, pinakamababa ang tantos ng learning poverty sa Australia (8.6 at 5.5), Canada (4.3), Singapore (2.8 at 2.7) , US (4.3 at 3.9) at mga bansa sa Western at Eastern Europe.

Ayon sa ulat, di na umuunlad ang pagkatuto sa maraming bansa bago pa man magpandemya. Noong 2019, anim sa bawat 10 bata na may edad 10 sa mga atrasadong bansa at hindi nakababasa at hindi nakaiintindi ng isang simpleng kwento. Kabilang dito ang Pilipinas na sunud-sunod na pumapalpak sa internasyunal na mga pagsusulit.

Tiyak ang mga organisasyong nagsagawa ng pagtatasa na lalo pang lumala ang learning poverty matapos isinara ng maraming bansa ang mga eskwelahan nang tumama ang pandemyang Covid-19. Sa taya nito, tumaas nang 70% ang learning poverty sa mga atrasadong bansa. Ibig sabihin, pito na sa bawat sampung batang nasa Grade 4 ang di nakakabasa at nakaiintindi ng isang simpleng kwento. Sa mga pag-aaral, halos walang ebidensya na hindi makahahalili ang mga pamamaraang online, blended, telebisyon o radyo sa in-person o harap-harapang pagkatuto. Nakita ito kahit sa mga bansang may maunlad na imprastruktura sa internet at mataas na kasanayang digital ang mga guro.

Lalong pinalawak ng mga pagsasara ng eskwelahan ang di pagkakapantay-pantay sa edukasyon. Pinakamalala ang krisis na ito sa mga bansang nagsara ng mga eskwelahan sa napakahabang panahon. Isa rito ang Pilipinas na halos tatlong taon na nagsara ng mga paaralan at ngayong Agosto lamang magbubukas. (Madalas na maliitin ni Rodrigo Duterte ang krisis na ito sa pagsasabing “manood na lang ng telebisyon o maglaro na lang ang mga bata” imbes na asikasuhin ang maagap na pagbubukas sa mga eswelahan sa una at pangalawang taon ng pandemya.)

Sa ilang lugar, natuklasan na ang isang taon sa distance learning ay katumbas ng pagkawala ng isang taon sa eskwelahan. Ibig sabihin, nauwi sa wala ang mga pagsisikap ng mga guro, magulang at bata na umagapay sa palpak na mga pamamaraan dahil sa kahuli-hulihan, wala rin silang natutunan mula sa mga ito.

Ayon sa ulat, labag sa karapatan ng mga bata sa edukasyon ang napakataas na antas ng learning poverty. Gayon, may kriminal na responsibilidad ang ginawang pagpapabaya sa edukasyon ni Duterte at kanyang mga upisyal.

Liban sa pagbubukas ng mga paaralan, iminungkahi ng ulat sa mga upisyal sa edukasyon ng Pilipinas na ituro sa mga bata ang mga batayang leksyon sa lenggwaheng ginagamit at alam nila. Taliwas na taliwas ito sa ipinahayag na ni Ferdinand Marcos Jr na gawing lenggwahe ng pagtuturo ang English, imbes na lokal na wika.

AB: Bagsak na edukasyon sa Pilipinas, isa sa pinakamalala sa buong mundo