Bahay ng tagasuporta ng ginigipit na organisasyong pangkaunlaran sa Negros, nireyd ng 15th IB

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Pinalibutan at sapilitang pinasok ng mga sundalo ng 15th IB ang bahay ng mangingisdang si Joselito Macapobre sa Guiljungan, Cauayan, Negros Occidental noong Hunyo 11. Si Macapobre ay tagasuporta ng organisasyong pangkaunlaran na Paghida-et sa Kauswagan Development Group Incorporated (PDG Inc) na pinararatangan ng rehimeng Marcos na sangkot sa “terrorism financing.”

Dalawang araw bago ang insidente, ipinatawag si Macapobre ng mga sundalo para ipaatras ang kanyang salaysay na sumusuporta sa kontra-salaysay ng mga istap ng PDG Inc na isinumite laban sa mga nagsampa ng kasong “terrorism financing” sa kanila. Dagdag dito, nakapansin din si Macapobre ng dalawang tao na sakay ng motorsiklo na nagmamanman sa kanya.

Kinundena ng Human Rights Advocates Negros (HRAN) ang 15th IB sa tinawag nilang pagbabanta sa buhay ni Macapobre. Nauna nang binatikos ng HRAN ang panggigipit ng estado sa PDG Inc sa pagsasampa ng tinawag nitong gawa-gawang mga kaso laban sa limang istap at katuwang ng grupo.

Ang kasong “terrorism financing” ay isinampa ang PMSG Francisco John Dumdumaya, deputized Anti-money Laundering Council Financial Investigator at kasapi ng Regional Intelligence Division ng PNP Regional Police Office 6. Ibinatay ito sa sinumpaang mga salaysay ng nagpapakilalang “finance and logistics officer at kumander ng “Tahod Ilahas Command ng CPP-NPA” na nag-ooperasyon diumano sa Negros na si Jonel Roy Moreno at nina Danilo at Jeonna Dela Cruz na nagpapakilalang mga kasapi ng lokal na samahan ng mga mangingisda sa Cauayan, Negros Occidental.

Ang PDG Inc ay isang organisasyon sa sentral at timog na bahagi ng Negros Island at nagsusulong ng karapatan ng mga magsasaka at mga mangingisda para sa sustenableng agrikultura at repormang panlipunan. Itinatag ang organisasyon noong dekada 1980.

AB: Bahay ng tagasuporta ng ginigipit na organisasyong pangkaunlaran sa Negros, nireyd ng 15th IB