Balikatan 2024: Peligrosong pagpapakitang-gilas na nagsisilbi lamang sa layunin ng US—GWP
Nagbabala kahapon si Rep. Arlene Brosas, kinatawan ng Gabriela Women’s Party, laban sa paglulunsad ng Balikatan 2024 at pagsusubok dito ng missile defense system na katulad sa Israel.
“Peligroso at di kinakailangang pagpapakitang-gilas na nagsisilbi lamang sa layunin ng US na magpwesto ng mas marami pang gamit at tropang militar sa West Philippine Sea at iba pang bahagi ng bansa,” aniya. Pagpapahintulot ito sa US na gawing palaruan para sa digma ang bansa. “Hindi ganito ang pagtatanggol sa soberanya,” aniya.
Nakatakdang idaos ang Balikatan 2024 sa Batanes malapit sa Taiwan, at sa Palawan kung saan iligal na nagtayo ng mga istrukturang militar ang China.
Ani Brosas, ang pagtatambak ng US ng paparaming tropa sa ngalan ng Balikatan 2024 ay magbibigay-katwiran para dagdagan din ng China ang mga pasilidad at presensya nito sa iligal nitong inaangking mga teritoryo.
“Ang siklo ng pagpapalakas ng presensyang militar ng dalawang panig… ay maghahatid sa mga Pilipino papalapit sa bingit ng digma,” aniya.
Sa pagsubok ng bagong-biling air missile defense system mula sa Israel, tahasang kinukunsinti ng rehimeng Marcos ang madugong henosidyo ng Israel sa Gaza, dagdag niya. Ang kampayang henosidyong ito ay pinopondohan at inaarmasan ng US mismo.
Nagbabala rin ang GWP laban sa pagtaas ng sekswal na karahasan at prostitusyon sa mga komunidad kung saan titigil ang di bababa sa 11,000 tropang militar ng US. Sa nakaraan, naging biktima ng karaharang sekswal, panggagahasa at maging kamatayan, ang mga babaeng Pilipino at myembro ng LGBTQIA sa kamay ng mga Amerikano sa mga lugar na ito.
Nagbabala rin ang mambabatas sa nakaambang dislokasyon ng mga magsasaka at mangingisda, laluna sa mga erya kung saan isinasagawa ang mga live-fire exercise.