Balikatan sa Mavulis Island, militarisasyon sa Cagayan, pagsasadlak ng US sa mga Pilipino sa gera

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Binisita nina Northern Luzon Command (NOLCOM) Commander Lt Gen Fernyl Buca, DND Secretary Gilbert Teodoro at AFP Chief Gen. Romeo Brawner Jr. ang Mavulis at Basco, ang pinakahilagang mga isla ng Pilipinas noong Pebrero 6, bilang paghahanda sa gagawing Balikatan ngayong Abril.

Ang naturang mga isla, na bahagi ng Itbayat, Batanes, ay 142 kilometro lamang mula sa Cape Eluanbi, ang katimugang dulo ng Taiwan, kaya mas malapit na ito sa Taiwan kaysa mainland Luzon. Ang paglulunsad ng mga war games doon ng mga pwersang militar ng US ay klarong probokasyon at hamon sa China, at bahagi ng pang-uudyok ng US sa Taiwan na humiwalay sa China. Taliwas ito sa “one China policy na patakarang diplomatiko na kunwa’y kinikilala pareho ng US at Pilipinas.

Noong Oktubre 2023, pinasinayaan ng AFP ang Mavulis Island detachment, bilang pagpapalakas diumano ng depensa sa Northern Luzon. Idineklara noon ni Buca na ang pagtatayo ng detatsment ay paghahanda para sa pagbabago ng operasyon ng militar mula sa internal security patungo sa depensang eksternal. Isinagawa iyon alinsunod na rin sa paghahanda para sa pagdaraos ng Balikatan 39-2024.

Liban sa Mavulis, itinatayo na rin ng AFP ang isang Naval Forward Operating Base sa Batan Island. Magtatayo din daw dito ng isang “civilian sea port” sa isla na sinasabing gagawin ng mga sundalong Amerikano ngayong Abril. Dagdag ang mga ito sa umiiral nang kampo militar ng US sa isla ng Calayan at mga “EDCA sites” sa Lallo at Sta. Ana, Cagayan. Hindi nalalayo sa dalawang base militar na ito ang isa pang “EDCA site” sa Gamu, Isabela. Sa gayon, natadtad na ng US ng mga base at pasilidad ang hilagang bahagi ito ng Luzon na pinakamalapit sa Taiwan.

Hindi pa nakuntento, gusto rin ng US, kasabwat ang rehimeng Marcos, na gawing pambala ng kanyon ang mga Ivatan at mga residente ng Batanes sa pamamagitan ng pagtulak sa kanila na maging army reservist. Ayon sa pinakahuling ulat, 109 na reservist na ang sinanay para sumalubong sa mga bomba o bala ng China oras na ilunsad ng US ang kanyang gera.

Bago pa man nito, binalaan na ng China ang Pilipinas na itigil ang paglahok sa maniobra ng mga pwersa ng US at ihinto ang panghihimasok sa internal na usapin ng Taiwan at China. Pero sa halip na makinig si Marcos at ang AFP, hinila pa nila ang bansa at ang buong mamamayan sa posilidad ng isang armadong komprontasyon sa pagitan ng US at China.

Labis ang pag-aalala ng mga taga-Batanes na nadadawit ang Pilipinas sa tumitinding pang-uupat ng US ng sigalot sa China. Nang ilunsad ang Balikatan dito noong 2023, nag-panic buying ang mga residente ng Batanes nang malaman nilang libu-libong sundalong Amerikano ang dadating sa kanilang isla, at pag-aalalang sumiklab ang labanan.

Ang nalalapit na Balikatan ay isang malaking banta sa kabuhayan ng mga Ivatan at Cagayanon. Nagdudulot ito ng dagdag na ligalig sa kanilang mga komunidad. Sa ngayon, iniinda na nila ang mababang huli dahil sa El Nino at offshore mining. Batid nilang mas marami pa sa kanila ang mawawalan ng trabaho kung gagamitin ng mga tropang Amerikano ang mga dagat para sa amphibious exercises at pagpapakita ng pwersa gamit ang mga kanyon, tangke at barkong pandigma. Ganito ang kanilang karanasan nang gawing lunsaran ng Balikatan ang Claveria, Aparri, Calayan Island at Sta. Ana, Cagayan.

Nangangamba rin silang maipit ang mga residente at mangingisda sa Batanes at Cagayan katulad ng nangyayari sa mga mangingisda sa Palawan at iba pang lugar sa West Philippine Sea.

Pinaghalawan: Baringkuas, rebolusyonaryong pahayagan ng mamamayan ng Cagayan, Enero-Marso 2024

AB: Balikatan sa Mavulis Island, militarisasyon sa Cagayan, pagsasadlak ng US sa mga Pilipino sa gera