#Balitaan: Ayuda para sa umuwing OFWs, itinigil ng gubyerno

Kinumpirma ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang pagpapatigil sa pamamahagi ng ayuda para sa umuwing mga overseas Filipino worker (OFW) dahil umano sa kawalan ng pondo ng programang Abot Kamay ang Pagtulong (AKAP) ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Nakatakda sa programa na bibigyan ng P10,000 ang bawat OFW na kwalipikado rito. Sa tala ng OWWA, nasa 520,000 lamang ng kabuuang 700,000 hanggang isang milyong OFW na nawalan ng trabaho ang nabigyan ng ayudang nagkakahalaga ng P5.2 bilyon.

Kinundena ng grupong Migrante International ang kawalan ng pondo sa gitna ng patuloy na paghihirap ng mga OFW na nawalan ng trabaho. Ayon sa grupo, dapat dagdagan ang badyet na inilalaan para sa mga OFWs lalupa’t isa ang sektor sa pinakatinamaan ng pandemya.

Sinundan ang anunsyong ito ng OWWA ng mga ulat ng Commssion on Audit na nagsisiwalat ng kata-takang paggamit sa pondo ng naturang ahensya para sa nakaraang taon, kabilang ang pagbili ng ahensya ng mas mahal na mga sanitary napkin mula sa isang tindahan ng hardware imbis na drug store.

Nagkakahalaga ang isang sanitary napkin ng P10-P30 kada piraso. Kabilang ang gastos nito sa P1.269 milyong ginastos ng ahensya na kinwestyon ng COA. Ayon sa OWWA, handa diumano itong iprisenta at isa-isahin ang naging gastos ng upisina para masagot ang mga tanong ng COA.

AB: #Balitaan: Ayuda para sa umuwing OFWs, itinigil ng gubyerno