#Balitaan: Dobleng-dagok sa mga OFWs na pupuntang Hong Kong

Ibinalita kahapon ni Department of Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na hindi kikilalanin ng Hong Kong ang mga vaccination card ng pabalik na mga overseas Filipino worker (OFW) dahil hindi umano ito galing sa iisang upisyal na source.

Panibagong serye ito nang pagpapahirap sa mga OFWs matapos ang matagal at paulit ulit na pagban ng Hongkong sa mga Pilipino na bumalik ang mga nagtatrabaho doon. Noong Lunes lamang tinanggal ng Hong Kong ang ‘ban’ o pagbabawal sa mga Pilipino na pumasok sa kanilang bansa dahil sa napakataas na bilang ng mga nahawa ng Covid-19 dito sa Pilipinas. Ngunit sa harap nang pahintulot ng Hong Kong, nangangamba pa rin ang mga OFW dahil sa napakahigpit na mga rekisito.

Ayon sa grupong Migrante International, kasalanan ng gubyernong Duterte kung bakit nagpataw ng ‘ban’ ang Hong Kong sa mga Pilipino. Dahil walang sistema ng mahusay na mass testing, contact tracing, at isolation at mabilis na programa sa pagbabakuna, kumalat at lumalaganap ang Covid-19 laluna ang Delta baryant. Dagdag pa nito, ni singkong duling ay walang ibinigay ang gubyerno sa mga OFW na naipit.

Marami sa mga OFWs ang nalubog sa utang para tustusan ang pang-araw-araw habang nag-aantay na makapunta sa Hong Kong. Ang ilan sa mga OFW, ayon sa Migrante International, ay napilitan nang bumalik sa prubinsya tulad ng Cagayan de Oro, Pangasinan at iba pa. Sila rin kasi ang tumustos sa mga kinakailangang rekisito para makapasok, kung sakali, sa Hong Kong, tulad ng swab test, pagbabakuna, gastos sa kwarantina at marami pang iba. Ang iba naman ay malapit nang ma-expire ang mga visa.

Kagyat na panawagan ng mga migrante ang suportang pinansyal mula sa gubyerno habang naghihintay na makapuntang Hong Kong, panustos sa kanilang pamilya at pagprayoritisa sa kanila sa programa ng pagbabakuna. Samantala, patuloy din ang grupong UNIFIL Migrante Hong Kong sa paglobby sa gubyernong Hong Kong para matulungan ang ating mga kababayan at muling makapagtrabaho.

AB: #Balitaan: Dobleng-dagok sa mga OFWs na pupuntang Hong Kong