Balita

#BALITAAN: Pondo ng NCIP, ginamit para sa kontra-insurhensya ng NTF-ELCAC

Kinwestyon ng Commission on Audit (COA) ang maanomalyang paggamit ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Regional Office XIII sa mahigit P1 milyon para sa isa umanong “workshop” ng National Task Foce to End Local Communist Armed Conflict sa Agusan del Norte noong Nobyembre 2020. Ginanap ang malakihang pagtitipon sa Amontay Beach Resort sa bayan ng Nasipit sa kalagitnaan ng pandemya noong panahon na bawal ang malakihang mga kumperensya. Wala pa ring bakunang natanggap ang bansa sa panahong ito.

Ayon sa COA, bukod sa walang malinaw na dokumentasyon, sobra-sobra ang ginastos ng NCIP at NTF-ELCAC sa kumperensya. Umabot lamang sa 300-500 indibidwal na kanilang isinali sa programa. Labis ang ibinayad ng NCIP para sa naturang programa dahil sobra ang tinaya nitong bilang ng lalahok kumpara sa aktwal na dumalo.

Pinuna din ng COA ang iregularidad sa attendance sheet na ipinapirma sa mga dumalo sa programa. Napansin nito na may mga binago sa petsa ng attendance sheet, at na walang pirma ang pangalan ng ilang “lumahok.” Sa gayon, posibleng mas maliit pa ang aktwal na bilang ang mga lumahok kaysa nakasaad sa mga papeles nito. Kinwestyon din ng COA ang ang kawalan ng maayos na pampublikong bidding sa pagkuha ng mga suplayer para sa kumperensya.

Dagdag pa rito, pinuna ng COA ang bigong pagkulekta ng NCIP ng aabot sa P14-milyong kontribusyon ng Taganito HPAL Nickel Corporation para sa mga katutubong apektado ng mapaminsalang operasyon nito sa Claver, Surigao del Norte. Ito na ang ikapitong taon na bigo ang ahensya na kulektahin ang naturang pondo mula sa kumpanya.

Noong nakaraang taon, pinuna rin ng COA ang maanomalyang paggastos ng NCIP sa akomodasyon at pagkain sa mamamahaling mga hotel at restawran na nagkakahalagang P4.8 milyon sa kabuuan mula 2018-2019. Hindi rin dumaan sa pampublikong bidding ang pagkuha ng ahensya sa serbisyo ng mga mamahaling mga hotel at restawran na ito para sa mga “treyning, seminar, at kumperensya.” Wala ring dokumentasyon kung paanong ginastos ang pondong ito.

Ang NCIP ang nangungunang ahensya ng gubyerno sa pangangamkam at pagbebenta ng mga lupaing ninuno sa malalaking kumpanya sa pagmimina at plantasyon. Kinukubabawan ito ngayon ng NTF-ELCAC sa ngalan ng whole-of-nation approach at pinagsisilbi ang mga programa nito sa kontra-insurhensiya. Ito ay pinamumunuan ni Gen. Allen Capuyan na nagsilbing hepe ng Intelligence Service Unit ni Rodrigo Duterte sa Davao City mula 1997 hanggang 2000, at hepe ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines noong 2004 sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Nasangkot siya sa iba’t ibang mga kontrobersya gaya ng ismagling ng droga nang magsilbi siyang assistang general manager ng Manila International Airport Authority noong 2018.

AB: #BALITAAN: Pondo ng NCIP, ginamit para sa kontra-insurhensya ng NTF-ELCAC