BBM = Bingi at barat sa mga manggagawa
Tinawag ng Kilusang Mayo Uno na “bingi at barat sa mga manggagawa” o BBM si Ferdinand Marcos Jr sa Pandaigdigang Araw ng Disenteng Trabaho (World Day of Decent Work o WDDW), ngayong araw.
“BINGI sa panawagan para sa nakabubuhay na sahod, pagwawakas ng kontraktwalisasyon, at pagtataguyod ng karapatang pang-manggagawa,” pahayag ng KMU. “BARAT sa sahod ng manggagawa at pondo para sa serbisyong panlipunan samantala napakalaki ng pondo para sa militarisasyon, korapsyon, at panunupil.”
Paliwanag ng KMU, ang WDDW ay isang “pandaigdigang pagkilos ng mga manggagawa para ikampanya ang pagkakaroon ng disenteng trabaho para sa lahat ng manggagawa. “Nasa ubod ng pagkakaroon ng disenteng trabaho ang usapin ng nakabubuhay na sahod, regular na trabaho, malusog at ligtas na lugar-paggawa, at pagtataguyod ng karapatan sa malayang asosasyon at pag-uunyon,” anito.
Bilang paggunita sa araw na ito, naglunsad ang KMU, kasama ang iba’t ibang grupo ng talakayan sa Iglesia Filipina Independiente sa Taft Avenue sa Lunsod ng Maynila na may panawagang Sahod, Trabaho, Karapatan, Ipaglaban! Bilang tugon, pinalibutan ng mga pulis ang simbahan ng IFI habang nagaganap ang talakayan. Tumayo sila at hinarangan ang mismong tarangkahan at entrance ng benyu.
Ang World Day of Decent Work ngayong taon ay inaalay sa milyun-milyong mga manggagawa sa buong mundo na naghahangad ng katarungan sa sahod o wage justice, ayon sa International Trade Union Confederation. Dumarami ang mga manggagawa at kanilang mga pamilya na nasasadlak sa kahirapan dulot ng implasyon na dala ng sakim-sa-tubong mga kumpanya sa enerhiya, transportasyon, pagkain at ibang batayang bilihin. Sa buong daigdig, mahigit kalahati sa lahat ng mga manggagawa ay naghihikahos at 10% ay walang kakayahang sagutin ang kanilang saligang mga pangangailangan.
Deka-dekada nang paliit nang paliit ang bahaging nakukuha ng mga manggagagawa sa pag-unlad ng lipunan dulot ng pagsikil sa kanilang karapatan sa pag-uunyon, partikular ang kanilang karapatan sa pakikipagtawaran, ayon sa ITUC. Dahil dito, napakaliit ng sahod ng mga manggagawa kumpara sa nararapat nilang natatanggap.
Sa gayon, kailangang ipaglaban ang wage justice na nararapat na batayan ng kontratang panlipunan sa pagitan ng mga manggagawa, gubyerno at kapitalista laban sa kasakiman ng mga korporasyon. Nasa 573 bagong bilyunaryo ang iniluwal ng pandemya. Kontrolado nila ang 13.9% ng pandaigdigang GDP, habang 700,000 ang dagdag na nasasadlak sa kahirapan kada araw.
Sa Global Rights Index ng ITUC o talaan ng kalagayan ng karapatang manggagawa sa buong mundo, nananatiling nasa Top 10 ng pinakamasamang bansa ang Pilipinas para sa mga manggagawa ngayong taon. Kabilang sa mga paglabag ng estado ang pandarahas at pamamaslang, pang-aaresto sa mga welga at panggigipit sa mga manggagawang Pilipino.