Balita

BHB-Northern Negros, pinabulaanan ang engkwentro sa Calatrava

,

Pinabulaanan ng Roselyn Jean Pelle Command ng Northern Negros Guerilla Front ng Bagong Hukbong Bayan (RJPC-BHB) ang pahayag ng 303rd Infantry Brigade (IBde) na nagkaroon ng armadong engkwentro sa pagitan ng 79th IB-Philippine Army (PA) at RJPC-BHB noong Hunyo 22, 2022 noong alas-6 ng umaga sa Purok Puting Bato, Sityo Tinibiangan, Barangay Minapasuk, Calatrava, Negros Occidental.

Walang katiting na katotohanan ang pahayag sa radyo ni Brig. Gen. Inocencio Pasaporte, commanding officer ng 303rd Ibde. Ayon sa bulaang pahayag ng heneral, nagkalabanan ang 79th IB-PA at ang yunit ng BHB sa nasabing erya. Ayon sa militar, tumagal ng 15 minuto ang pagpapalitan ng putok hanggang sa umatras daw ang yunit ng BHB sa mabundok na bahagi ng Barangay Minapasak.

Ayon sa Deputy Spokesperson ng RJPC-BHB na si Karljoe Hidalgo, walang kumikilos na yunit ng RJPC-BHB sa lugar at panahong sinasabi ni Pasaporte. Kinontra rin ni Hidalgo ang deklarasyon ng upisyal ng militar na matagal nang nabuwag ang larangang gerilya sa Northern Negros.

Sa kabila ng pagyayabang ni Pasaporte, tuluy-tuloy naman ang matagal at magastos na mga operasyong militar sa erya ng Calatrava mula pa noong Mayo. Reaksyon ito sa sunud-sunod na mga taktikal na opensiba ng BHB laban sa mga pwersa ng reaksyunaryong gubyerno.

Malinaw na pinepresyur lamang sina Pasaporte, Lt. Col. J-jay Javinez ng 79th IB ng kanilang mataas na upisyal na maglubid ng mga kwento at mga pekeng deklarasyong naubos o nabubuwag na ang mga eryang kinikilusan ng BHB. Ito ay pagtabon sa kabiguan ni Duterte na ubusin ang armadong rebolusyonaryong kilusan bago magtapos ang kanyang termino.#

AB: BHB-Northern Negros, pinabulaanan ang engkwentro sa Calatrava