Bilanggong pulitikal sa India, namatay sa kulungan
Namatay sa sakit at pagpapabaya ng pasistang rehimeng Modi ang bilanggong pulitikal na si Pandu Naroti noong Agosto 25 sa isang ospital sa distrito ng Nagpur, estado ng Maharashtra sa India. Nagkaroon ng malubhang sakit si Naroti ngunit hindi inasikaso ng estado ang kanyang pagpapagamot hanggang sa lumubha ito.
Inaresto si Naroti noong 2013 sa mga akusasyon ng paglabag sa Unlawful Activities (Prevention) Act ng India (kamukha ng Anti-Terrorism Law ng Pilipinas) matapos siyang akusahang kasapi ng Communist Party of the India (Maoist), na binabansagan ng estado na “terorista.” Sinintensiyahan siya ng rehimeng Modi ng habambuhay na pagkakulong noong 2017, kasama ang kilalang personahe ng Revolutionary Democratic Front at propesor ng Delhi University na si G.N. Saibaba at sina Hem Mishra, Prashant Rahi, Mahesh Tirkey at Vijay Tirkey.
Sa ulat ng mga tagasuporta ni Naroti at Prop. Saibaba, hindi kaagad ipinaalam ng mga pulis sa pamilya ni Naroti ang kanyang kalagayan at bigla na lamang isinugod sa ospital. Hiniling din umano ng abugado nila na ilipat siya sa ICU ngunit hindi ito pinahintulutuan.
“Dahil sa kapabayaan ng mga awtoridad ng bilangguan sa kanyang kalusugan, … kaya nangyari ang trahedyang ito,” giit ni Vasantha Kumari, asawa ni Prop. Saibaba.
Ang pagkamatay ni Naroti ay dagdag na sa maraming insidente ng pagkamatay ng mga bilanggong pulitikal sa malamig na rehas ng pasistang rehimeng Modi. Noong nakaraang taon lamang, namatay ang 82-taong gulang na tagapagtaguyod ng karapatan ng mga Adivasi (katutubo) na si Fr. Stan Swamy dahil sa malubhang sakit.
Lubhang nag-aalala ang mga tagasuporta ni Prop. Saibaba dahil naiulat na makailang ulit siyang nawawalan ng malay sa kanyang kulungan at nagkakaroon ng mga isyu sa kalusugan. Nagdurusa siya sa hypertrophic cardiomyopathy (heart problem), hypertension, paraplegia, syphoscoliosis of the spine, acute pancreatitis, mga bato sa gall-bladder stones at iba pang mga sakit.
Kaugnay nito, nagpabatid ng pakikiramay ang Partido Komunista ng Pilipinas sa pagkamatay ni Naroti. Ayon kay Marco Valbuena, chief information officer ng Partido, “wala nang bilanggong pulitikal ang dapat mamatay sa kulungan!” Sumuporta rin ang Partido sa panawagang palayain ang mga bilanggong pulitikal ng India at wakasan ang panggigipit sa mga progresibo at aktibista ng India.