Bilar 5, pinarangalan ng mga grupo sa Central Visayas
Nagtipun-tipon ang kabataan at mga progresibong organisasyon ng Central Visayas sa University of the Philippines (UP)-Cebu Ampitheater noong Marso 3 para bigyang-pugay at parangalan ang Bilar 5, ang limang Pulang mandirigma na minasaker ng mga pwersa ng estado matapos sila dakpin noong Pebrero 23 sa Bilar, Bohol.
Nanawagan din ang mga grupo ng hustisya para sa mga biktima at pagpapanagot sa mga sundalo at pulis na lumabag sa internasyunal na makataong batas. Kabilang sa Bilar 5 ang kabataang abugada na si Hannah Cesista, na nagtapos sa University of the Philippines-Cebu bago nag-aral ng abogasya sa University of San Carlos.
Inorganisa ang gabi ng pagpaparangal ng National Union of People’s Lawyers (NUPL)-Cebu, Karapatan-Central Visayas, at ng UP Cebu University Student Council. Napuno ng mga testimonya, pagpupugay at pagkilala ang gabi ng parangal.
Dumalo sa parangal ang mga katrabaho, propesor, kapwa aktibista at dating kaklase ni Cesista para ibahagi ang kanilang mga alaala sa namartir na mandirigma. Ipinahayag nila kung paanong tinalikuran ni Cesista ang kanyang maalwan na buhay, nanatiling mapagkumbaba at determinado sa kanyang pagtulong at pakikiisa sa mahihirap. Ito rin ang dahilan kung bakit niya pinili ang landas ng armadong pakikibaka at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Samantala, naglunsad ng isang candle light protest ang mga kabataan ng UP Cebu noong Pebrero 29. Dumalo sa protesta ang higit 60 kabataang iskolar ng bayan. Inorganisa ang aktibidad ng UP Cebu University Student Council.
Giit din ng mga grupo ang pagsasagawa ng isang independyenteng imbestigasyon para mapalalim ang detalye ng naganap na masaker at matukoy ang pangunahing mga sangkot sa karumal-dumal na krimen sa digma.