Brutal na pag-aresto sa transwoman na si Awra, kinundena

,

Kinundenda ng iba’t ibang grupo ng mga lesbyan, bakla at iba pang minoryang kasarian ang naging marahas na pag-aaresto ng mga pulis ng Makati kay McNeal “Awra” Briguela, isang transgender at artista, matapos sumiklab ang kaguluhan nang ipagtanggol niya ang mga kaibigan niyang babae sa pambabastos at sekswal na harasment.

Sa isang pahayag, kinundena ng grupong Bahaghari, alyansang nagtataguyod sa karapatang-tao ng mga LGBTQIA+, ang marahas na pag-aresto kay Awra kung saan pinagtulungan siya ng mga pulis para posasan at dalhin sa presinto. Samantala, libreng nakaalis sa eksena ang dalawang lalaking itinurong nambastos sa kaibigan ni Awra.

“Mula sa pinaka di-kilalang community organizers at aktibista hanggang sa mga pinakasikat na artista gaya ni Awra, bakit kaya namumula ang mata ng PNP pagdating sa mga Pilipinong lumalaban sa pananamantala?” ani Rey Valmores, chairperson ng Bahaghari.

Nagbalik-tanaw rin siya sa dinanas ng tinguriang Pride 20 noong 2020 kung aan 20 aktibistang LGBTQIA+ ang marahas na inaresto sa isang pagkilos laban sa noo’y kapapasa lamang na Anti-Terror Law. Bahagi ang protesta sa martsang Pride sa taong iyon.

“Lumaki tayong mga bakla na binubugbog, pero kapag natuto tayong lumaban, parurusahan. Awra’s case is a flashback to #Pride20, and how the police always cracks down on LGBTQ+ Filipinos with the courage to fight injustice,” dagdag niya.

Panawagan ng grupo ang mabilis na pagpapalaya at pagbasura sa mga pekeng kaso laban kay Awra. Hangad rin nila ang pagpapaimbestiga sa mga lalaking sangkot sa pambabastos sa mga kaibigan niya.

Kaliwa’t kanan ang naging pagbatikos sa mga pulis ng Makati na dati nang may rekord ng karahasan laban sa LGBTQIA+. Kabilang dito ang inilunsad nitong Oplan X-men noong 2020 kung saan pangunahin nitong target at ipailalim sa diskriminasyon ang mga myembro ng LGBTQIA+ laluna ang mga transgender.

Sa pinakahuling balita, nakatakdang makipagdayalogo ang Bahaghari at alyansang Metro Manila Pride sa meyor ng Makati City na si Abigail Binay para sa kagyat na pagpapalaya kay Awra. Kilala si Awra sa mga palabas na “The Super Parental Guardians”, “Ang Probinsyano”, at “Lyric and Beat.”

AB: Brutal na pag-aresto sa transwoman na si Awra, kinundena