Buhay at ambag ni Abimael Guzman, lider komunista ng Peru, ginunita

Nagpahayag ang Partido Komunista ng Pilipinas ng pakikiramay sa lahat ng manggagawa, magsasaka at aping uri at sektor ng Peru sa pagkamatay ng rebolusyonaryong lider na si Manuel Rubén Abimael Guzmán Reynoso, kilala rin bilang Presidente Gonzalo, tagapagtatag at lider ng Partido Komunista ng Peru. Namatay si Gonzalo sa bilangguan sa Peru sa edad na 86. Mula nang dinakip siya noong 1992, dalawang beses lamang siyang pinahintulutang makita ng publiko.
Sa pahayag na inilabas ni Marco L. Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido, kinilala si Gonzalo na isang martir ng makatwirang rebolusyon at pakikibaka ng mamamayan ng Peru, laluna para sa aping masa ng manggagawa at magsasaka para sa tunay na demokrasya at sosyalistang layunin. Si Gonzalo sa nagtatag sa PCP o Sendero Luminoso (Shining Path) na naglunsad ng armadong pakikibaka laban sa reaksyunaryong naghaharing sistema ng Peru at pasistang rehimeng Fuimori mula pa dekada 1980. Noong dekada 1980 at 1990, ang Sendero Luminoso ay isa sa maniningning na tala ng armadong paglaban sa buong mundo.
Inihayag rin ng PKP na bagamat hindi ito sang-ayon sa lahat ng ideya ni Gonzalo, karapat-dapat siyang kilalanin sa kanyang pagbabandandila at pagtatanggol sa Marxismo-Leninismo-Maoismo. Inialay niya ang pinakamahusay na panahon ng kanyang buhay at nagsakripisyo para sa proletaryado at aping masa ng Peru, at sa kanilang hangarin para pambansa at panlipunang paglaya. Kinilala ng Partido na si Gonzalo ang nag-inisyatiba na gamitin ang terminong “Maoismo” noong 1983 bilang mas mataas na pagkilala sa dakilang Mao Zedong at kanyang mga makasaysayang ambag sa rebolusyon ng China.
Kinilala naman ng National Executive Committee ng National Democratic Front of the Philippines na isang internasyunalista at proletaryado si Gonzalo. Hinangad niyang pagyamanin ang Marxismo-Leninismo-Maoismo sa mga aral ng rebolusyonaryong pakikibaka sa Peru at iba pang bansa. Nag-ambag siya sa rebolusyonaryong pagsulong at tagumpay ng pakikibaka para pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo sa iba pang mga bansa — at buong siglang lumahok sa internasyunal na mga talakayan.
Mariing kinundena ng PKP ang gubyerno ng Peru para sa “matagal na pagpapahirap sa pamamagitan ng pisikal at mental na tortyur” kay Gonzalo. Dumaan rin siya at iba pa niyang kasamang rebolusyonaryo sa paulit-ulit na iligal na paglilitis. Tumanggi ang mga reaksyunaryo sa panawagan na palayain siya sa kabila ng halos 30 taon na pagkakakulong.
“Hangad ng imperyalista at reaksyunaryo na kasama ng pagkamatay ni Guzman na mailibing sa limot si kasamang Gonzalo,” anang NDFP. Subalit iniwan niya ang kanyang “mayamang balon ng mga ideya at karanasan at di-magagaping diwa” sa hanay ng mga manggagawa at mamamayan ng daigdig.
Umaasa naman ang Partido na ang pagpanaw ni Gonzalo ay gagamiting pagkakataon ng mga rebolusyonaryong proletaryado sa Peru na “palakasin ang kanilang partido, patibayin ang kanilang pamumuno sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka at nagkakaisang prente, humango ng aral sa nakaraang karanasan, pangibabawan ang kahinaan at pagkakamali at pag-ibayuhin ang kanilang lakas at suporta ng masa.”
Ang Bayan
Setyembre 14 2021