Busabos na kalagayan ng mga marino, binatikos

,

Ginunita kahapon ang International Day of Seafarers sa iba’t ibang panig ng mundo na nagtuon ng pansin sa labis na busabos na kalagayan ng mga marino o mga manggagawa sa mga barko at dagat.

“Nanggagaling sa pinakamahihirap na bansa ang mga seafarer,” ayon sa grupong Migrante, sa isang pahayag ng pakikiisa. “Tumatanggap sila ng mabababang sahod, umiinda sa kawalan ng labor standard, at gumagampan ng pinakamahihirap at delikadong mga trabaho.”

Sinuportahan nila ang pakikibaka ng mga seafarer at lahat ng manggagawang sea-based laban sa sistemang “Flag of Convenience” (FOC) na ipinatutupad ng mayayamang bansa para samantalahin ang murang lakas-paggawa ng mga manggagawa.

Sa ilalim ng FOC, inirerehistro ng mga kapitalistang may-ari ng malalaking barko ang kani-kanilang mga barko hindi sa kanilang mga bansa kundi sa mga bansang madalas walang proteksyon ang mga manggagawa. Ginagawa ito ng mga kumpanya para makaiwas sa mga regulasyon ng kani-kanilang mga bansa, ipatupad ang mas mababang sahod na madalas istandard ng pinili nilang bansa (tinawag ding flag state) at takasan ang pagbabayad ng buwis.

Halimbawa, inirerehistro ng mga kumpanya ng US, Japan, Norway, Germany, Australia, Sweden, Denmark, Greece, China at Russia ang kanilang mga barko sa mga tinawag na “estadong FOC” katulad ng Liberia, Panama, Costa Rica at Honduras. Kabilang din sa listahang ito ang maliliit na isla tulad ng Marshall Islands, Bahamas, St Vincennes and Grenadine, na kilala ring maluwag ang sistema ng pagbabangko at pinaglalagakan ng mga nakaw at tagong yaman.

Ang busabos na kalagayan ng mga marino ay palalalain ng iskemang FOC, ayon sa grupo.

“Sa Pilipinas, kung saan nagmumula ang sangkatlo ng lahat ng internasyunal na seafarer, nakatuon ang gubyerno ni Ferdinand Marcos Jr sa paglalako sa kanila bilang mura at kiming paggawa sa ilalim ng Labor Export Program,” ayon sa grupo. Ang programang ito ay sinimulan ng ama niyang diktador na si Ferdinand Marcos Sr, katuwang ang ministro noon sa paggawa na si Blas Ople, na siya namang ama ng kasalukuyang kalihim ng Department of Migrant Work na si Susan Ople.

“Desidido ang dalawang anak na ito na ipagpatuloy ang pakana ng kanilang mga ama na nagresulta sa patuloy na pagdurusa ng mga seafarer at mandaragat hanggang sa ngayon.”

Napakamahal ng mga pagsasanay, sertipikasyon at iba pang proseso bago makakuha ng trabahong di lalampas sa 11 buwan ang isang marino. Wala silang katiyakan sa trabaho at kada labas, kailangan nilang mag-aplay ulit sa mga trabahong ginampanan na nila. Ito ay kahit ilang beses na silang nakapagtrabaho sa parehong kumpanya o dumaan sa parehong ahensya sa paggawa.

Walang anumang proteksyon ang mga manggagawang seafarer alinsunod sa batas. Nakatengga hanggang sa ngayon sa kongreso ang Magna Carta for Seafarers na dapat noon pang panahon ni Benigno Aquino Jr ipinasa.

Ayon sa grupo, sinabotahe pa ang kasalukuyang bersyon ng batas ng malalaking kumpanya at ahensya sa paggawa sa pamamagitan ng pagsingit ng kontra-marinong probisyong “escrow” kung saan hindi agad makatatanggap ang isang seafarer ng kumpensasyong napanalunan niya sa mabababang korte hanggang di natatapos ang mga pag-aapela ng malalaking kumpanya sa Court of Appeals at Korte Suprema. Ang pag-escrow ay ang paglalagak ng pondo sa bangko habang dinidinig ang isang kaso.

Sa gayon, isa itong “Magna Carta of Shipowners” dahil di ito nagsisilbi sa mga seafarer, batikos ng Migrante.

AB: Busabos na kalagayan ng mga marino, binatikos