CIF, inilipat sa pinakamasasahol na ahensya sa seguridad
Inilipat na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang confidential at intelligence funds o CIF ng limang kagawaran ng estado matapos itong malawakang batikusin ng maraming sektor nitong nagdaang mga linggo. Gayunpaman, imbes na ilaan ito sa mga kagawarang nagbibigay ng batayang serbisyo, idinagdag ang pondo sa mga ahensya sa seguridad na pinakabantog sa ektra-hudisyal na pagpatay, iligal na pang-aaresto at detensyon at iba pang malalalang paglabag sa karapatang-tao.
Tinanggal ng “maliit na komite” ng Kongreso ang mga CIF ni Sara Duterte bilang bise-presidente at kalihim ng Department of Education na nagkakahalaga ng ₱650 milyon. Tinanggal din nito ang mga CIF ng Department of Agriculture na pinamumunuan ni Ferdinand Marcos at ng Department of Information and Communications Technology at Department of Foreign Affairs na nagkakahalaga naman ng ₱400 milyon.
Idinagdag sa CIF ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ang ₱300 milyon habang ₱100 milyon ang idinagdag sa CIF ng National Security Council (NSC) na may pakana ng madudugong kampanya ng paunupil laban sa mga progresibong indibidwal at organisasyon, gayundin sa milyun-milyong sibiliyan sa kanayunan sa ngalan ng kontra-insurhensya. Ang NICA ay pinamumunuan ng dating pulis na si Ricardo de Leon habang nagsisilbing National Security Adviser ang retiradong heneral na si Eduardo Año. Ang iba pang pondo ay inilipat sa Philippine Coast Guard (₱200 milyon) at Department of Transportation (₱318.8 milyon.)
“Dapat sa rice procurement, ospital o SUCs (state univeristy and colleges) na lang ibinigay ang dagdag kesa sa NICA at NSC at direkta pa itong pakikinabangan ng mamamayan at di magagamit para supilin ang kanilang karapatan,” batikos ni Deputy Minority Speaker at ACT Rep. France Castro. Aniya, tiba-tiba ang NICA sa ginawang realignment lalupa’t ₱1 milyon lamang ang CIF nito sa panahon ng nagdaang mga rehimen. Para sa 2023, sumirit ito tungong ₱127.413 milyon. Samantala, dumoble ang CIF ng NSC mula ₱120 milyon tungong ₱220 milyon.
“Ang record-breaking na pagtaas ng mga CIF ng dalawang ahensyang ito ay hindi magandang pangitain para sa kalagayan ng karapatang-tao sa bansa na dumaranas na ang mga aktibista ng papatinding panggigipit, pagdukot at pamamaslang sa nagdaang mga buwan,” aniya.
Parehong mayor na mga ahensya ang NICA at NSC sa pasistang NTF-Elac. Nabunyag kamakailan lamang ang mga krimen ng mga ahensyang ito nang ibinunyag ng dalawang maka-kalikasang aktibista na sina Jonila Castro at Jhed Tamano na dinukot, sikretong ikinulong at pinagbantaan sila ng naturang mga ahensya.
Kasabay nito, binatikos ni Rep. Castro ang patuloy pagkakait sa mga kagawaran ng kalusugan at edukasyon, gayundin sa ahesya ng pagkain, ng kinakailangang pondo.