Daan-daang kabataan ng Southern Tagalog, ipinagdiwang ang ika-55 anibersaryo ng PKP
Daan-daang kabataan mula sa iba’t ibang panig ng Southern Tagalog ang nagdiwang sa ika-55 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa nagdaang linggo ayon sa balangay ng Kabataang Makabayan (KM) sa rehiyon. Ang ilan sa kanila ay nagdiwang sa loob ng larangang gerilya, kasama ang Bagong Hukbong Bayan.
Sa balita ng dyaryo ng KM-Southern Tagalog na Kalayaan-TK, sinabi nitong hindi nagpatinag sa kaliwa’t kanang operasyon ng mga berdugong militar ang mga kasapi ng KM, mga Pulang mandirigma, at mga masang katutubo’t magsasaka para magdiwang sa loob ng isang sonang gerilya sa rehiyon.
Tinalakay sa mga programa ang mga pahayag ng Komite Sentral ng PKP at Komiteng Rehiyon ng Southern Tagalog. Ito rin umano ang ginamit na balangkas para sa tema ng selebrasyon na “Puspusin ang kilusang pagwawasto! Palakasin ang partido! Likhain ang pinakamahigpit na ugnay sa masa at pamunuan silang dalhin sa bago at mas mataas na antas ang rebolusyong pambansa-demokratiko!”
Sa pahayag ng Komite Sentral noong Disyembre 26, 2023, nanawagan ito ng paglulunsad ng kilusang pagwawasto upang ituwid ang mga pagkakamali at kahinaan ng Partido at humakbang nang mas malaki pa ngayong panibagong taon.
Ayon sa Kalayaan-TK, tinanggap at ipinaabot ng KM-Southern Tagalog ang panawagan ng Komite Sentral sa hanay ng mga rebolusyonaryong kabataan at estudyante. Ayon kay Karina Mabini, tagapagsalita ng panrehiyong balangay ng KM, marapat lamang na balik-aralan kapwa ang mga tagumpay at kahinaan upang patuloy na dumaluyong kasama ang sambayanan.
“Gagap ng mga kabataang makabayan ang kahalagahan ng determinadong pakikibaka upang tuldukan ang mga kundisyon at kronikong krisis na ito [imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo],” ayon kay Karina Mabini sa kanyang pahayag sa anibersaryo ng PKP.
Ayon pa sa KM-Southern Tagalog, naniniwala at itinataguyod nito ang makauring pamumuno ng proletaryado sa rebolusyong Pilipino sa pamamagitan ng PKP simula noong Disyembre 26, 1968 nang muli itong itatag upang magsilbing Partido at abanteng destakamento ng mga proletaryado.
Kinilala at binati ng Komite Sentral sa pahayag nito ang “libu-libong nakababatang kadre na sumanib sa Partido nitong nagdaang mga taon, at ngayo’y nag-aambag ng napakalaking enerhiya sa ating matagalang pakikibaka.”
Anang pamunuan ng Partido, “marami sa inyo ngayo’y bumabalikat ng mga tungkulin ng pamumuno bilang mga kagawad ng mga sentral na organo ng Partido, bilang mga kumand at upisyal sa pulitika ng Bagong Hukbong Bayan, at mga lider ng rebolusyonaryong kilusang masa kapwa sa kalunsuran at kanayunan.”
Ang hanay ng nakababatang mga kadre ng Partido sa lahat ng antas ay nagpuspos sa iba’t ibang larangan ng rebolusyonaryong gawain ng sigasig at sigla, ayon sa Komite Sentral. “Ang bagong henerasyon ng mga komunistang Pilipino, na malalim na nakaugat sa malawak na masa ng mga manggagawa at magsasaka, ay nagpapakita ng walang-kaubusang determinasyong dalhin ang rebolusyong Pilipino sa pagsulong sa hinaharap.”