Balita

Dagdag-sahod, di "inflationary" at hindi "nakalulugi" sa mga kumpanya

Tutol ang kunwa’y mga “ekonomistang mambabatas” sa Mababang Kapulungan sa panukalang dagdag-sahod na kakarampot na ₱100 na isinusulong ngayon sa Senado. Ayon kina Rep. Stella Quimbo at Rep. Joey Salceda, ang anumang pagtaas ay magreresulta diumano sa pagtaas ng mga presyo ng bilihin at serbisyo (inflationary) at “pagsasara” ng mga small and medium enterprises (SME.) Ang mga pagdadahilang ito ay pangatwiran kapwa ng dayuhan at lokal na malalaking kapitalista tuwing iginigiit ng mga manggagawa ang dagdag-sahod, kahit gaano ito kaliit.

Payo pa ng kontra-manggagawang kalihim ng Department of Labor and Employment, huwag nang humingi ng dagdag-sahod ang mga manggagawa. Magtrabaho na lamang umano ang tatlo sa 5-kataong pamilya para maabot nito ang nakabubuhay na sahod. Hindi nabanggit ng kalihim na walang nalikhang disenteng trabaho ang pinagsisilbihan niyang rehimen at marami sa umiiral na trabaho ay di regular at mababang-sahod at sa gayon ay mas mababa pa sa minimum ang ipinasasahod. Mas mahalaga, hindi usapin ng paghahanap ng dagdag na trabaho ang paggiit ng mga manggagawa ng dagdag-sahod, kundi pagbibigay ito ng makatarungan at wastong kumpensasyon sa ibinebenta nilang lakas-paggawa.

Ilang beses nang napabulaanan ang pagdadahilan ng mga kongresista at kapitalista ng mga progresibong mananaliksik at ekonomista. Sa pag-aaral ng Ibon Foundation sa kasaysayan ng dagdag-sahod sa bansa, napatunayan nitong hindi lahat ng mga dagdag-sahod ay nagpapataas ng presyo ng mga bilihin at singil. Katunayan, maraming pagkakataon na bumaba pa ang implasyon, anim na buwan matapos itaas ang sahod. Ayon sa iba namang ekonomista, mapatutunayan lamang na “inflationary” ang dagdag-sahod, (tinatawag din ng mga maka-kapitalitang upisyal na wage-price-spiral), kung tuluy-tuloy ang pagtaas ng presyo kasabay ng tuluy-tuloy ring pagtaas ng sahod. Sa aktwal, sumisirit ang tantos ng implasyon nang walang ni katiting na pagtaas sa sahod.

Ang malinaw, hindi nakaagapay sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang antas ng sahod ng mga manggagawa. Noong Disyembre 2023, nasa ₱505.23 na lamang ang tunay na halaga ng minimum na sahod sa National Capital Region na ₱610/araw. Ito na ang pinakamataas na minimum sa buong bansa. Kasunod dito ang tunay na halaga ng sahod sa Calabarzon na ₱420.71. Wala pa sa kalahati ang mga ito sa nakabubuhay na sahod, na nasa ₱1,188 na kada araw pagpasok ng 2024.

Hindi rin totoo na makalulugi sa “maliliit na kumpanya” ang anumang across-the-board na pagtaas ng sahod tungong ₱750/araw o kahit ₱1,100/araw. Hindi saklaw ng mga kautusan sa pagtataas ng sahod ang mga negosyong may 10 ang manggagawa pababa. Marami ring paraan para makaagapay ang maliliit na kumpanya na may 20 manggagawa pababa, tulad ng pagbibigay ng pinansyal na tulong, mababang interes sa mga pautang, pagsingil sa kanila ng mas mababa o walang buwis, pag-agapay sa matataas na presyo ng materyal para sa produksyon at singil sa transportasyon at marami pang iba.

Higit rito, mahigit kalahati (51.4%) ng mga manggagawa sa pormal na sektor na saklaw ng mga wage order ay nagtatrabaho sa malalaking kumpanya na kumikita ng bilyun-bilyon, at sa gayon ay may batayan na maggiit ng dagdag sahod para mabuhay nang disente ang kani-kanilang mga pamilya.

Sa NCR, halimbawa, mangangailangan na lamang ng dagdag na ₱140 para maabot ang ₱750 pambansang minimumna malaon nang ipinaglalaban ng sektor ng paggawa o ₱490 para makamit ang nakabubuhay na sahod. Kung maigagawad ang mga ito, madadagdagan ng kaarampot na ₱2,800/buwan o ng substansyal na ₱9,600/buwan ang kita ng mga manggagawa na sapat para umagapay sa pang-araw-araw nilang pangagangailangan.

Sa buong bansa, mangagailangan ng dagdag na ₱213 ang ₱537 na pambansang abereyds na minimum para umabot ang sahod ng lahat ng mga manggagawa sa ₱750. Alinsunod sa bilang ng mga negosyo, at bilang ng mga manggagawang kanilang ineempleyo noong 2021, popondohan ng ₱340,913,354,340 ang kabuuang dagdag-sahod. Katumbas lamang ito sa 13.2% ng kabuuang kita ng kinauukulang mga kumpanya.

Kahit ibibigay ang kabuuang ₱1,100 na iginigiit ng mga manggagawa bilang nakabubuhay na sahod, malayo pa rin sa pagkalugi ang naturang mga kumpanya. Batay sa pambansang abereyds na minimum, mangangailangan ng ₱901 bilyon para igawad ang nakabubuhay na sahod sa lahat ng mga manggagawa sa buong bansa, katumbas sa 34.9% sa kinikita ng mga ito. Liliit ang kita ng mga kumpanya, pero tatabo pa rin ang mga ito ng tumataginting na ₱1,680,654,477,660, batay sa kanilang netong kita noong 2021.

Sa kabilang banda, ang makabuluhang pagtaas ng sahod ay mangangahulugan ng dagdag na ₱490 hangagng ₱563 kada araw na kita ng mga manggagawa. Kada buwan, madadagdagan ang kanilang sahod nang ₱9,600 hanggang ₱11,600, sapat para makakain sila nang maayos, makapag-aral ng kanilang mga anak, at makapag-impok nang kahit kaunti para sa mga pangkagipitang gastusin.

AB: Dagdag-sahod, di "inflationary" at hindi "nakalulugi" sa mga kumpanya