Walang engkwentro Dalawang magsasaka, pinaslang ng AFP sa Agusan del Sur

,

Hindi mga aktibong kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) kundi mga simpleng magsasaka ang dalawang pinaslang ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong September 30 sa P-7, Barangay San Vicente, Prosperidad, Agusan Del Sur. Taliwas ito sa pinalalabas ng AFP na napaslang ang dalawa sa engkwentro sa pagitan ng BHB at AFP.

Isang Special Team 904 ng 9th Special Forces Company ng Philippine Army ang nagsagawa ng krimen.

Sa panayam sa radyo, pinangalanan ni Ka Sandara Sidlakan, tagapagsalita ng BHB-Surigao del Sur, ang dalawang biktima na sina Lonie Hainampos Pison at Jessa Terol Empoy. Dati silang kasapi ng BHB at nagpasyang magpahinga mula sa pagseserbisyo sa hukbo, kaya sila ay mga sibilyan at hindi armado.

“Kini nga mga tawo, dili na ni sila NPA,” ayon pa kay Ka Sandara. (“Ang mga ito ay hindi na mga NPA.”) Si Pison ay dating lider ng lokal na yunit ng BHB sa erya habang si Empoy ay dating medik.

Iniulat pa ni Ka Sandara na posibleng ang dalawa ay kinuha ng mga sundalo sa kanilang tinitirhan at dinala sa magubat na bahagi para patayin.

Ang mga armas na umano’y nakuha sa sinasabing engkwentro ay itinanim lamang para maghabi ng engrandeng kwento. Pinalabas pa ng militar na mayroon umanong sundalong nasugatan sa diumano’y engkwentro.

Binigyang diin ni Ka Sandara sa kanyang panayam na hindi ito ang unang pagkakataong ginawa ito ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines. Ang pagdamay sa mga sibilyan na nasa larangan ng armadong tunggalian, at laluna ang pagtortyur at pagpaslang sa kanila, ay labag sa mga tuntunin ng digma.

AB: Dalawang magsasaka, pinaslang ng AFP sa Agusan del Sur