Dalawang sibilyan at sanggol, iligal na inaresto ng AFP-PNP sa Masbate

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Dalawang sibilyan at isang sanggol ang iligal na inaresto ng mga pwersa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Mayo sa prubinsya ng Masbate. Kinundena ito ng Karapatan-Masbate at iginiit ang kagyat na pagpapalaya sa mga biktima at pagbasura sa tinawag nitong gawa-gawang mga kaso laban sa kanila.

Sa hindi natukoy na petsa, inaresto ng mga pwersa ng estado si Baby Arnejo at kanyang sanggol sa Barangay Madao, Uson. Pinararatangan siya ng mga pwersa ng estado na kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Giit ng mga residente, sibilyan si Arnejo at matagal nang naninirahan sa naturang baryo.

“Ang masahol dito, hindi isinaalang-alang ng mga militar at pulis ang sanggol na anak ni Arnejo, na ipiniit kasabay sa kanyang ina. Malinaw itong paglabag sa internasyunal na makataong batas,” pahayag ng Karapatan-Masbate.

Dahil sa paggigiit ng mga kababaryo, nailagay sa maayos na kustodiya ang sanggol habang nakakulong pa rin ang kanyang ina.

Noong Mayo 18, inaresto ng mga pwersa ng estado si Tinay Ontog sa Barangay Maglambong, bayan ng Monreal. Ayon sa Karapatan-Masbate, kinumpirma ng mga residente na si Ontog ay isang sibilyan. Siya ay dating Pulang mandirigma na matagal nang lumabas sa BHB.

“Ang pagkakadakip ni Ontog ay patunay sa kahungkagan at patibong… ng kampanyang pagpapasurender ng AFP at PNP. Iligal pa ring inaresto ang biktima taliwas sa propaganda ng militar na bibigyan ng katiwasayan at mapayapang pamumuhay ang sinumang umano’y magbabalik-loob sa gubyerno o mamumuhay muli bilang sibilyan,” ayon pa sa grupo.

Sa tala ng grupo, higit 100 katao ang iligal na inaresto at ikinulong ng militar at pulis sa ilalim ng magkasunod na pasistang mga rehimeng Duterte at Marcos. Umabot naman sa 116 ang bilang ng mga sibilyang pinatay ng AFP-PNP-CAFGU sa mga panahong iyon. “Libu-libo ang pinasurender, tinakot, ginipit habang daan-daang pamilya ang inagawan ng lupa at kabuhayan,” dagdag ng Karapatan-Masbate.

Kinutsa ng grupo ang kawalang aksyon ng Commission on Human Rights-Bicol sa harap ng patung-patong na mga paglabag sa karapatang-tao. “Anong dahilan ng kanilang pananahimik? Pinapakain ba sila ng pondo ng taumbayan para lang maging sunud-sunuran sa dikta o pananakot ng militar?” anang grupo.

Sa harap ng kawalang hustisya, iginiit ng Karapatan-Masbate na tanging ang nagkakaisang lakas ng masang Masbatenyo ang paraan para makamit ang tunay na hustisya.

AB: Dalawang sibilyan at sanggol, iligal na inaresto ng AFP-PNP sa Masbate