Dating drayber na mandirigmang martir, pinarangalan ng Piston

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Pinarangalan ng grupong Piston noong Hulyo 14 ang mag-amang sina Noel Bedonia Sr (Ka Felix) at Noel Bedonia Jr (Ka Anghel), mga martir ng rebolusyonaryong kilusan sa kanilang walang pag-iimbot sa sambayanan. Ang dalawa ay mga Pulang mandirigma na nasawi sa Pantabangan, Nueva Ecija noong Hunyo 26.

Dating pultaym na organizer ng Piston ang nakatatandang Bedonia sa Central Luzon bago siya sumapi sa Bagong Hukbong Bayan.

“Saludo at mataas na pagpupugay ang iniaalay ng Piston kay Noel “Ka Felix” Bedonia Sr at kanyang anak na si Noel “Ka Angel” Bedonia Jr, parehong rebolusyonaryo at pulang mandirigma, martir ng Gitnang Luzon, at bayani ng mga manggagawa sa transportasyon at sambayanan,” pahayag ng Piston.

Isinalaysay sa programa ng Piston, na dinaluhan ng naulilang pamilya, ang karanasan ng nakatatandang Bedonia noong siya ay drayber ng dyip sa rutang Roces at Project 6. Namulat siya sa tunay na kalagayan at kanyang mga karapatan mula sa mga rali na nasaksihan niya habang namamasada at mga polyetong iniaabot sa kanya ng mga aktibista.

Nagpasya siyang magpultaym sa Piston bilang organisador. Nanirahan siya, kasama ang kanyang pamilya, sa upisina ng organisasyon. Kalaunan, lumipat siya ng trabaho bilang organisador sa Central Luzon, kasama ang kanyang buong pamilya, kabilang ang batang Bedonia na noo’y 11-taong gulang pa lamang. Dito, niyakap ng mga Bedonia ang mas mataas pang antas ng pakikibaka, at sumanib sa BHB.

“Mananatiling buhay sa bawat terminal, pondohan, at kalsadang pinapasadahan ang ala-ala at pakikibakang nasimulan ng mag-amang Bedonia,” pahayag ng Piston.

AB: Dating drayber na mandirigmang martir, pinarangalan ng Piston