Deportasyon at panggigipit sa Filipina-Swiss na aktibista, kinundena
Kinundena ng Anakbayan at Migrante International ang arbitraryong detensyon at deportasyon ng rehimeng US-Marcos kay Edna Becher, Filipina-Swiss na aktibista at tagapangulo ng Anakbayan-Switzerland, noong Disyembre 7 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3. Si Becher ay higit dalawang oras na ikinulong bago pinabalik sa Switzerland sa pagdadahilang “blacklisted” siya sa bansa dahil sa kanyang umano’y mga “kontra-gubyernong mga aktibidad.”
Si Becher ay kabilang sa mga kabataang Pilipino na ipinanganak at lumaki na sa ibang bansa. Umuwi siya sa Pilipinas para bisitahin ang kanyang mga kaibigan at kaanak, at upang makipamuhay at lumahok sa pakikibaka ng masang anakpawis sa bansa. Bilang migranteng kabataang Pilipino, nais niyang makita ang tunay na kalagayan ng kanyang mga kapwa Pilipino sa ilalim ng rehimeng US-Marcos.
“Isa itong malinaw na pampulitikang panunupil sa mga kabataan,” pahayag ng Anakbayan. Anila, ang arbitraryo at walang-batayang akusasyon na ito ng gubyerno ay mapanganib at lantarang pagkriminalisa sa pagtindig laban sa mali.
Si Becher ay kilalang lider-kabataan sa hanay ng mga Pilipino sa Europe at nangunguna sa pakikipaglaban para sa karapatang-tao at pampulitikang panunupil, kapwa sa Europe at sa Pilipinas. Kabilang siya sa mga nanguna sa protesta kontra sa pagbisita ni Ferdinand Marcos Jr sa Switzerland noong Enero.
“May pananagutan ang Bureau of Immigration at ang gubyerno ni Marcos sa detensyon at deportasyon ni Becher,” ayon sa Migrante International. Giit nila, ang aktibismo ng mga kabataang tulad ni Becher ay “hinihikayat ng demokratikong mga gubyerno.” Anito, sa kabila ng paulit-ulit na tangka ni Marcos Jr ng “rebranding” at pagpapabango sa pangalan ng kanyang pamilya ay sumisingaw pa rin ang pasismo nito.
“Sa nagdaang mga taon, inilalagay ng gubyerno ng Pilipinas sa blacklist ang mga aktibistang Pilipino na mayroong hawak na dayuhang mga pasaporte, gayundin ang mga dayuhang aktibista, at pinipigilan silang pumasok sa bansa,” ayon sa Migrante International. Malinaw umano itong paglabag sa karapatang-tao at porma ng pampulitikang panunupil.