Designasyong “terorista” laban sa 6 na organisasyong Palestino, ipinababasura
Mahigit 150 organisasyon sa iba’t ibang bansa ang kumundena sa marahas na pagsalakay at pagpapasara ng mga pwersa ng Israel sa pitong non-government organization at grupong pangkarapatang-tao noong Agosto 18. Niransak at ikinandado ng mga sundalo ng Israel Occupying Forces ang mga upisina ng Addameer Prisoner Support and Human Rights Association, Al-Haq rights group, the Union of Palestinian Women Committees (UPWC), the Union of Agricultural Work Committees (UAWC), the Union of Health Work Committees, the Bisan Center for Research and Development, at ang lokal na balangay ng Defence for Children International, isang organisasyong Swiss. Liban sa huli, una nang idinekara ng Israel ang anim na grupo bilang mga “teroristang organisasyon” noong Oktubre 2021.
Ayon sa mga grupong Palestino, matapos pwersahang pasukin ang mga upisina, kinuha ng mga sundalong Isreali ang kagamitan at mga materyal ng mga organisasyon at winelding ang mga pinto nito. Nag-iwan pa ang mga ito ng “pabatid” na ang pagsasara ay para sa “paglaban sa imprastruktura ng terorismo sa rehiyon.” “Ipinatawag” at pinagbantaan ding ikukulong ng mga pwersa ng Israel ang mga direktor at pinuno ng anim na organisasyon.
Nangangamba ang anim na organisasyon na tuluyan na silang maipapasara ng Israel matapos ng “iligal at agresibo” nitong pananalakay sa kanilang mga upisina. “Layunin ng atake na buwagin ang mahahalagang mekanismo na naglalayong pangalagaan ang karapatang-tao at wakasan ang paghaharing setler-kolonyal at apartheid (panggigipit sa batayan ng lahi) ng Israel, na sistematikong nagkakait sa mamamayang Palestino sa kanilang karapatan sa pagpapasya-sa-sarli at sa karapatan ng mga refugee na makabalik (sa kanilang mga lupa sa mga teritoryong okupado ng Israel), ayon sa pinag-isang pahayag ng anim ng organisasyon.
“Ang pagpapasara sa mga upisina ay karugtong ng kabiguan ng international community na gumawa ng kongkretong mga hakbang para papanagutin ang Israel sa designasyon nito sa naturang mga organisasyon, na matitinding paglabag sa internasyunal na mga batas.”
Bilang suporta, inilunsad ng iba’t ibang organisasyong pangkarapatang-tao sa iba’t ibang bansa ang kampanyang #StandWithThe6 (Tumindig kasama ang Anim). Anila, ang panggigipit sa mga organisasyong Palestino at mga tauhan nito ay nagkakait sa kanila ng pundamental na mga karapatan at kalayaan. Ayon sa mga grupong maka-Palestine, ang pamamaraang ito ng Israel ay isang akto ng apartheid na labag sa Rome Statute (ang sistema ng mga batas na pundasyon ng International Criminal Court). Ginagawa ito ng Israel para panatilihin ang dominasyon at kontrol nito sa Palestine.
Nagpahayag din ng pagtutol ang 25 eksperto sa karapatang-tao ng United Nations sa pananalakay at nanawagang tanggalin ng Israel ang designasyon sa anim bilang mga teroristang grupo.