Di kailangan ng permit para magprotesta laban sa di lehitimong rehimeng Marcos II
Kahit sa ilalim ng konstitusyon 1987, protektado ang karapatan sa pagrarali at ang batas sa paghingi ng permit ay para lamang mabigyan ng abiso ang lokal na gubyerno sa panahon at lugar ng pagdadausan ng rali.
Ito ang ligal na upinyon ng mga abugado ng National Union of People’s Lawyers kaugnay sa sunud-sunod na pagbuwag ng Philippine National Police sa mga pagkilos sa nakaraang mga linggo. Pagsikil din sa karapatang ito ang pagbabawal ng PNP sa protesta sa araw ng inagurasyon ng ilehitimong presidenteng si Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa NUPL, sadyang mataas ang pagpapahalaga ng batas sa karapatang magprotesta kaya mataas rin ang itinakda nitong mga rekisito para tiyaking hindi ito masisiil.
“Ang karapatang magprotesta ay saklaw ng dalawang magkahiwalay na garantiya sa Bill of Rights — ang karapatang magpahayag at karapatan sa mapayapang asembleya,” ayon sa NUPL sa pahayag nito noong Hunyo 12. “Tanging ang pag-iral ng clear and present danger (malinaw at kagyat na peligro) ang makakapagbigay-katwiran sa pagsupil dito.”
Anang grupo, mali ang kamakailangang mga pahayag ng PNP na kailangan ng permit para makapagrali.
“Hindi esensyal ang permit sa pagsasagawa ng pagtitipon,” ayon sa mga abugado. “Ang permit para sa rali sa ilalim ng Batas Pambasa Blg. 880 ay isa lamang rekisitong administratibo na nag-aawtorisa sa mga lokal na gubyerno na pangasiwaan — at hindi ipagbawal — ang oras at lugar ng mga pampublikong pagtitipon.”
Gayundin, hindi lahat ng pagtitipon o pagpapahayag ng upinyon ay maituturing na isang rali o pampublikong asembleya. Halimbawa, hindi saklaw ng administratibong awtoridad ng lokal na gubyerno ang mga piket o pagtitipon sa mga freedom park kaya hindi kailangan ng permit para magrali sa mga lugar na ito.
Hindi maaring kasuhan, usigin o parusahan sa anumang paraan ang sinumang lumalahok sa isang mapayapang rali, ayon pa sa NUPL. “Mas mahalaga, nangangahulugan ito na hindi maaring arestuhin ang sinumang kalahok sa isang mapayapang rali.”
Sa nakaraang mga linggo, paulit-ulit itong nilabag ng mga pulis. Pinakahuli rito ang pag-aresto sa mahigit 90 katao na nagsasagawa ng bungkalan sa Tarlac noong Hunyo 9. (Napalaya ang lahat ng mga inaresto noong Hunyo 12 matapos magpyansa nang ₱12,000 kada isa ang kanilang mga kaanak at kaibigan.) Pinag-aaralan ngayon ng mga abugado ang pagsasampa ng kaso sa mga pulis na namwersa, nang-aresto at nagditine sa kanila.
Terorismo ng estado ang ginagawa ng mga pulis sa pambabatuta, pambobomba ng tubig, pagkaladkad sa mga nagpuprotesta bago sila bugbugin. “Labag ito sa mismong batas na sinasabi ng PNP na ipinatutupad nila.”
Dapat palaging alalahanin at isipin ng mga Pilipino na pwede silang magprotesta nang walang takot o pag-aalangan dahil ang kalayaang ito ay ginagarantiyahan ng batas at isang “absolutong pangangailangan” ng ating lipunan, ayon pa sa mga abugado.