Diokno, pinangaralan ng kabataan

Sinagot kamakailan ni Kabataan Rep. Raoul Manuel ang pahayag ni Benjamin Diokno, kalihim ng Department of Finance, na “di sustenable” at “kontra-mahirap” ang libreng tuition fee sa kolehiyo. Ang Kabataan Partylist ang awtor ng batas na nagtulak para sa libreng matrikula sa mga pampublikong universidad at kolehiyo.

Sa pagkwestyon ni Diokno sa batas na ito at ang karugtong na pagkaltas ng ₱6.16 bilyon sa badyet ng mga pampublikong unibersidad, makikita na hindi prayoridad ng gubyerno ang pag-aaral ng kabataang Pilipino, ayon kay Manuel.

“Kung tunay ngang binibigyang-halaga ng administrasyon ni Marcos Jr. ang sektor ng edukasyon, hindi nila talaga dapat titipirin ang pondo para rito,” remarks Manuel.

“Ang edukasyon ay karapatan at hindi ito kailanman naging ‘investment’ lamang o pribilehiyo na binibigay lang sa mga karapat-dapat,” bwelta ni Manuel kay Diokno. “Kung gusto natin na mabigyan ng pagkakataon ang mas marami pang kabataan na makapag-aral sa ating SUCs (state universities and colleges), marami tayong posibleng sustainable na pagkukuhanan ng pondo para rito.”

“Kung tutuusin, para ma-sustain ang unibersal, abot-kaya, dekalidad na edukasyon, pwede nating pagkuhanan ng pondo ang panukala nating patawan ng wealth tax ang halos tatlong libong bilyonaryo sa Pilipinas,” aniya. Binanggit niya ang pag-aaral ng Ibon Foundation na maaaring makalikom ng dagdag na ₱502 bilyon ang estado kung bubuwisan nito ang pinakamayayamang indibidwal sa Pilipinas. “Hindi lamang makikinabang sa dagdag na pondo ang free higher education na aabot sa ₱51.14 bilyon sa 2024, kundi lahat din ng mga batayang serbisyo para sa ating mga mamamayan,” aniya.

Katunayan, lubos na nakikinabang ang multi-bilyunaryong mga Pilipino sa komersyalisadong edukasyon sa Pilipinas.

Kabilang sa mga bilyunaryong may-ari ng eskwelahan ang magkakapatid na Sy na may-ari ng National University (NU), Far Eastern University (FEU) at Asian Pacific College. Sa kabila ng kanilang limpak-limpak na yaman, nakatakdang tataas ng dagdag na 5% ang tuition at iba pang bayarin sa NU at 4% sa FEU. May yamang $14.4 bilyon ang magkakapatid na ito.

Samantala, itataas ni Lucio Tan (yaman: $2.6 bilyon) ang tuition ng University of the East sa Maynila at Caloocan nang matarik na 9.5%.

Itataas din ng pamilyang Yap (yaman: $445 milyon) ang tuition ng Centro Escolar University (CEU) sa Las Pinas, Makati at Maynila nang 2%.

Ilan pa sa mga bilyunaryong nakikinabang sa matataas na matrikula ang:

– pamilyang Zobel de Ayala (yaman: $2.8 bilyon), may-ari ng University og Nueva Caceres, National Teachers College at Affordable Private Education Centers o APEC

– Eusebio Tanco (yaman: $605 milyon), may-ari ng STI Colleges, STI Senior High School, Philippine Woemn’s University, West Negros University at IAcademy

– pamilyang Yuchengco (yaman: $420 milyon), may-ari ng Mapua University, Malayn Colleges, Malayan High School at iPeople

AB: Diokno, pinangaralan ng kabataan