Balita

Estilong "Tokhang" na profiling sa La Union, kinundena

,

Kinundena ng grupo ng maliliit na mangingisda na Timek ken Namnama dagiti Babassit a Mangngalap ti La Union (TIMEK) ang tangkang profiling ng pulis ng Agoo, La Union laban sa pangulo nitong si George “King” Cacayuran at tatlo pa nitong myembro.

Ibinahagi ng grupo na “binisita” ng PNP-Agoo si Cacayuran at mga kasama nito sa barangay hall ng San Manuel Norte. Wala noon sina Cacayuran dahil pumalaot ang mga ito. Nag-iwan ang naturang mga pulis ng isang blangkong dokumento na ibinilin nilang dapat sagutan ni Cacayuran. Nakasaad sa naturang dokumento na ang pino-profile ng naturang dokumento ay “sangkot sa paggamit ng shabu.”

“Lubhang nakababahala ang ginagawang ito ng PNP Agoo,” ayon sa TIMEK. Sa panahon ni Duterte, aabot sa mahigit 30,000 ang kabuuang bilang ng biktima ng extrajudicial killings sa ngalan ng “gera kontra-droga kung saan nabantog ang salitang “tokhang” bilang katumbas ng pamamaslang ng mga pulis. Sa ilalim ng Oplan Tokhang ng huwad na “gera kontra-droga,” pangkaraniwang maririnig na katwiran ng gubyerno ang “nanlaban” sa mga pag-aresto at kadalasang nauuwi sa pagkakapaslang sa mga pinaghihinalaan pa lamang, ayon sa grupo.

“Si King at ang TIMEK La Union ay matagal nang binibiktima ng gubyerno at pinararatangang kaaway ng estado,” ayon sa grupo. Nagpatuloy ito sa ilalim ng rehimeng Marcos, kung saan tampok ang pwersahang pagpapasuko sa apat na maralitang mangingisda noong 2022.

Panawagan ng grupo, kagyat na itigil ang lahat ng porma ng harassment at paglabag sa karapatang-tao sa mga komunidad ng maralitang mangingisda.

AB: Estilong "Tokhang" na profiling sa La Union, kinundena