Gawa-gawang kaso laban sa unyonista ng BPO, ibinasura
Ibinasura ng isang lokal na korte ang isinampang kaso ng National Task Force-Elcac noong 2021 laban kay Lean Porquia, lider-unyonista ng grupong BPO Industry Employee’s Network (BIEN). Sa pahayag ng grupong Citizens Rights Watch Network (CRWN) noong Mayo 3, sinabi nitong hindi kagulat-gulat na maibabasura ang naturang kaso dahil wala itong batayan.
Ang isinampang kaso laban kay Porquia at kay Prof. Jose Maria Sison ay may kinalaman sa pagrerekrut ni Porquia sa isang mag-aaral sa League of Filipino Students noong 2007 na kinalaunan ay sumapi umano sa Bagong Hukbong Bayan.
Ibinasura ng naturang korte ang kaso dahil sa kawalan ng “probable cause” batay sa mga testimonya at ebidensyang isinumite ng nag-aakusa.
Sa resolusyon ng korte, sinabi nitong “there is no iota of proof that the LFS was or is engaged in any armed activities” (“walang katiting na patunay na ang LFS ay lumahok o patuloy na lumalahok sa armadong aktibidad.”)
“Hindi na kami nasorpresa na ang kasong isinampa laban kay Lean ay hindi makatitindig sa korte, tulad ng maraming iba pang kaso ng gawa-gawang mga kaso laban sa mga tagapagtanggol ng karapatang-tao,” pahayag ng CRWN.
Giit pa nila, ang mga kasong isinampa ay walang iba kundi panghaharas at pananakot sa mga aktibista. “Matagal nang nirered-tag si [Lean] para sa kanyang mga gawain bilang tagapagtanggol ng karapatang-tao,” pahayag pa ng CRWN.
Gayundin, ang kanyang pamilya ay kumakaharap sa panggigipit ng estado. Ang ama ni Lean na si Jory ay pinatay ng mga ahente ng estado noong Abril 2020 sa Iloilo City. Pinagbabaril siya ng 14 na beses habang nagsasagawa ng tulong pangkabuhayan noong kasagsagan ng lockdown kaugnay sa pandemya.
Pinuri din ng BIEN ang desisyon ng korte. Pahayag nito, nasa panig nila ngayon ang hustisya. Dagdag pa ng grupo, ang serye ng mga pag-atake laban sa BIEN at mga upisyal at kasapi nito ay nagpapatunay na maging ang mga unyon ay hindi palalampasin ng malupit na NTF-Elcac.
“Paulit-ulit man nila kaming atakehin…alam naming lumaban. Hindi kami mga kriminal. Kami ay mga unyonista at nais lang namin ng mas maayos na kundisyon sa paggawa para saming mga kapwa manggagawa sa BPO,” giit ng grupo.