Gawaing pampulitika sa hanay ng AFP, dapat isagawa—Komite Sentral
Inatasan ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) at buong rebolusyonaryong kilusan na magsagawa ng gawaing pampulitika sa hanay ng katunggali na Armed Forces of the Philippines (AFP). Bahagi ang atas ng komprehensibong panawagan ng Komite Sentral na palakasin ang pakikidigmang gerilya kasabay ng pagdiriwang sa ika-56 na anibersaryo ng Pulang hukbo.
“Magrekrut ng progresibo at patriyotikong upisyal at tauhan sa Crispin Tagamolila Movement,” panawagan ng pamunuan ng Partido. Unang nabuo ang Lt. Crispin Tagamolila Movement (LCTM) noong panahon ng batas militar ng diktadurang Marcos. Tinipon nito ang hanay ng mga makabayang sundalong nagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon.
Ipinangalan ito kay Lt. Tagamolila na isa sa mga makabayang sundalong tumalikod sa pasista’t mersenaryong institusyon ng AFP, niyakap ang rebolusyon at umanib sa BHB. Namatay siya sa isang labanan sa pagitan ng BHB at AFP sa Echague, Isabela noong Abril 16, 1972.
Ayon sa Komite Sentral, para maisagawa ito ay “dapat sistematikong likumin ang impormasyon sa internal na sitwasyon, mga hinaing at kontradiksyon sa hanay ng mga platun, kumpanya, batalyon at mas mataas na istruktura sa kumand ng kaaway.” Kailangan din umanong tuluy-tuloy na ilantad ang mga pang-aabuso laban sa mga rank-and-file na tauhang militar at mga pinilit na magparamilitar.
Bilang bahagi ng tungkuling ito, kailangan din isagawa ang paglalantad sa korapsyon sa hanay ng mga upisyal sa sistema ng pagpapasahod at naaantalang paglalabas ng sweldo at alawans, paghuthot ng pondo para sa tinatawag na mga “balik-loob,” koleksyon ng kikbak sa lokal na mga proyekto (laluna sa ilalim ng Support to Barangay Development Programa ng NTF-Elcac), at iba pang katulad na mga programa.
Bahagi din sa gawaing pampulitika ang paglalantad sa kung paano patuloy na ginagamit ang AFP at PNP ng militar ng US bilang proxy at instrumento sa heyopulitikal na layunin nito, laluna sa pang-uupat ng armadong sigalot sa imperyalistang katunggaling China.
Noong panahon ng diktadura, at sa higit limang dekadang kasaysayan ng rebolusyonaryong kilusan, nakatulong ang pagpropaganda sa loob ng AFP at pagrerekrut ng mga elemento nito sa LCTM. Hindi iilan ang naging Pulang mandirigma ng BHB at lumahok sa matatagumpay na reyd sa mga kampo at detatsment ng militar, pagsisiwalat ng mahahalagang impormasyon at iba pa.