Balita

Giriang Marcos-Duterte, kinamuhian ng sambayanan

,

Kinamuhian ng malawak na masa ng sambayanan ang lantad na lantad nang girian ng naghaharing mga pangkating Marcos at Duterte. Noong Enero 28, direktang sinumbatan ng mag-amang Rodrigo at Sebastian Duterte si Ferdinand Marcos Jr sa isang rali na isinagawa ng kanilang pamilya sa Davao City laban diumano sa charter change. Sa rali na ito, “isiniwalat” ng amang Duterte na sangkot sa droga si Ferdinand Marcos Jr pero hindi niya ito isiniwalat o ikinulong dahil sa kanilang “pagkakaibigan.”

Noon pa man, pinasasaringan na ng matandang Duterte si Marcos Jr bilang “adik” na gumagamit ng cocaine. Direkta niya itong isiniwalat matapos “magbukas” si Marcos Jr sa International Criminal Court (ICC) na imbestigahan ang kanyang kasong krimen laban sa sangkatauhan sa ilalim ng “gera kontra-droga.” Natapos na ng ICC ang imbestigasyon nito sa kaso noong nakaraang taon.

Siningil naman ng nakababatang Duterte si Marcos Jr na aniya’y walang utang na loob matapos pahintulutan ng kanyang ama na ilibing sa Libingan ng mga Bayani ang kinamuhiang diktador na si Ferdinand Marcos Sr. Tinawg niyang “tamad” at “walang malasakit” si Marcos Jr, at nanawagan para sa kanyang pagbaba sa pwesto.

Sinagot ito ng pangkating Marcos, sa katauhan ni House Speaker Martin Romualdez, bilang “walang paggalang” sa nakaupong presidente. Pinangungunahan ni Romualdez, gamit ang Kongreso, ang pagbawi sa pondo at mga kontratang pampubliko na pinagkakakitaan ng pamilyang Duterte.

“Wag na kayong magturuan, parehas lang kayong adik—adik sa kapangyarihan at yaman na dapat ay sa mamamayan!” batikos ng grupong Anakbayan. “Imbis na gumawa ng mga kongkretong hakbang para apulahin ang lumalalang krisis na dinaranas ng mamamayan, mas pinipili ng mga kampo ni Marcos Jr at mga Duterte na magbardagulan para sa sariling interes nila.”

Itinapat ng mag-amang Duterte ang rali sa isinagawang “grand rally” ng pangkating Marcos sa Luneta para ilunsad and hungkag na “Bagong Pilipinas.”

“Kahihiyan sa taumbayan ang bangayan ng mga pamilya Marcos at Duterte na nailantad nang buo sa publiko kahapon,” pahayag ng Kilusang Mayo Uno noong Enero 29. Batid nito na bahagi ang girian sa pagpppostura ng dalawang pangkatin sa susunod na eleksyon.

“Sino ang collateral damage? Ang manggagawa at mamamayan. Ito ang pinagkakaabalahan ng mga naghahari habang tumitindi ang kahirapan, kagutuman at inhustisya,” ayon pa sa grupo. Napakaraming dapat harapin—ang pangangailangan ng nakabubuhay na sahod, regular na trabaho at respeto sa mga unyon ng mga manggagawa, anito.

Binatikos rin ng mga grupong demokratiko ang magastos at walang katuturang “grand rally” at pakanang “Bagong Pilipinas” ng pangkating Marcos.

“Sayang lang ang pera ng taumbayan dito at gagawin pang halos mandatory ang pagdalo samantalang napakaraming dapat asikasuhin ng mga kawani ng gubyerno at maging ng mga upisyal ng barangay,” ayon kay Atty. Neri Colmenares, dating kinatawan ng Bayan Muna, bago idinaos ang rali.

“Sa gitna ng kahirapan at kawalan ng ayuda, gagastos na naman ang gubyerno sa isang rally na walang katuturan. Ang lalo pang masakit ay ayon sa ilang nakausap nating baranggay at Sangguniang Kabataan officials ay gagamitin din daw ang raling ito ng administrasyong Marcos Jr para itulak uli ang chacha (charter change) at palabasin na ang mga pumunta dun ay suportado ito,” aniya.

“Dapat ginamit na lamang ang oras at pagod… para iangat ng buhay ng mga Pilipino at hindi para sa isa na namang pagtatangkang rebranding para pabanguhin ang administrasyong Marcos Jr,” pahayag ni Rep. France Castro ng ACT Teachers Party List.

“Mapabababa ba ng Bagong Pilipinas ang sumisirit na presyo ng bilihin? Magkakaroon na ba ng P20 kada kilo ng bigas bukas dahil dyan? Tataas na ba ang sahod ng mga guro at kawani dahil dyan? Malulutas na ba ang batayang problema ng sambayanang Pilipino dahil sa rebranding na ito?” aniya.

Ayon naman sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), hindi matatabunan ng “Bagong Pilipinas” ni Marcos Jr, na kapareho ng “Bagong Lipunan” ng kanyang amang diktador, ang matatagal nang problema ng Pilipinas.

“Mula Marcos Sr tungong Marcos Jr, nananatiling mga usapin ang kahirapan, disempleyo, gutom at matinding korapsyon,” ayon sa grupo. “Mula noon hanggang ngayon, lalupang tumindi ang abang kalagayan ng mamamayang Pilipino.

Sa bahagi nito, nagbabala ang grupong Pamalakaya sa pwersahang panunumbalik ng pangkating Duterte sa poder at nanawagan sa kasapian nito na maging mapagbantay sa “desperado at posibleng marahas na pagtatangka” ng pangkatin na bumalik at monopolisahin ang kapangyarihan ng estado. Anito, “hina-hijack” ng pangkating Duterte ang oposisyon sa charter change ng mamamayan para sa sariling interes.

“Para sa mga mangingisda, walang naniniwala sa dating Pangulong Duterte na nagmamalasakit ito sa konstitusyon, dahil siya mismo ang lantarang lumabag dito sa ilalim ng kaniyang panunungkulan. Huwag niyang gamitin ang usapin ng niraratsadang cha-cha para mag-astang oposisyon,” ayon sa grupo ng mga mangingisda.

AB: Giriang Marcos-Duterte, kinamuhian ng sambayanan