Balita

Grupo sa karapatang-tao, naalerto sa pag-aresto sa dati nitong upisyal

Naglabas ng ulat-alerto ang Karapatan-Southern Mindanao Region kaugnay sa arbitraryong pag-aresto ng mga pwersa ng estado kay sa dati nitong pangkalahatang kalihim na Jayvee “Jay” Apiag noong Agosto 13. Ayon sa ulat, pasakay si Apiag sa sasakyan ng kanyang kaibigan sa Digos City nang bigla na lamang siyang nilapitan at pinakitaan ng warrant of arrest ng mga pulis ng syudad. Papunta si Apiag sa Cor Jesu College, isang pribadong unibersidad, kung saan nag-aaral siya ng kursong abogasya.

“Kilalang tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Southern Mindanao si Jay Apiag,” ayon sa Karapatan-SMR. “Pinangunahan niya ang maraming fact-finding mission at tinulungan ang mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao mula 2016 hanggang 2021.”

Ayon sa ulat, nakasaad sa warrant of arrest ni Apiag ang kasong bigong pagpatay. Sa bisa nito, dinala siya sa Digos Police Station kung saan pinroseso ang kanyang aresto at pagkakakulong. Pero matapos ang isang oras, dumating sa presinto ang mga pulis mula sa Davao City na naghain ng warrant of arrest sa isa pang gawa-gawang kaso ng bigong pagpatay. Dinala siya ng mga pulis sa presinto sa Buhangin sa Davao City.

“Kinukundena ng Karapatan-SMR ang pag-aresto kay Jay Apiag bilang isa na namang anyo ng pag-atake sa mga tagapagtanggol sa karapatang-tao. Dapat nang itigil ang nakamumuhing patakaran ng pagsasampa ng gawa-gawang mga kaso laban sa mga tagapagtanggol ng karapatang-tao sa tangkang patahimikin sila,” anito.

Panawagan ng grupo ang kagyat na pagpapalaya kay Apiag at pagbasura sa mga gawa-gawang kaso laban sa kanya at iba pang tagapagtangol ng karapatang-tao.

AB: Grupo sa karapatang-tao, naalerto sa pag-aresto sa dati nitong upisyal