Hatol laban sa organisador ng mangggagawa, ibinasura
Sa desisyong inilabas noong Huwebes, binaligtad ng Court of Appeals (CA) ang hatol na maysala ng dalawang Regional Trial Court (RTC) ng San Mateo, Rizal laban sa organisador ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na si Marklen Maojo Maga. Ipinawalang-saysay nito ang hatol ng RTC na ikulong si Maga nang walo hanggang 14 na taon sa kasong illegal possession of firearms.
Ipinag-utos ng korte na palayain si Maga sa kasong ito subalit nananatili siyang nakakulong dahil humaharap pa sa gawa-gawang kasong pagpaslang na nakasampa sa isang korte sa Cabadbaran, Agusan del Norte.
Si Maga ay inaresto noong Pebrero 2018 ng Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police habang naglalaro ng basketbol malapit sa kanilang bahay sa Greenland Newtown Subdivision, San Mateo, Rizal. Idinawit siya sa kasong pagpaslang sa isang sundalo sa Agusan del Norte noong 2017. Pinalabas ng mga pulis na nakuha sa kanya ang isang baril na may mga bala sa panahon ng kanyang pagkakaaresto.
Si Maga ay apat taon at pitong buwan nang nakakulong. Dati siyang aktibista sa Polytechnic University of the Philippines.
Tinukoy sa desisyon ng CA ang ilang “reversible error” o mga pagkakamali sa naging hatol ng mga korte laban kay Maga. Kabilang sa mga tinukoy ng korte na pagkakamali ang kakulangan ng ebidensya na mayroong nakuhang armas at bala mula sa bag ni Maga. Hindi rin diumano balido ang pagkasamsam ng armas at bala kasabay nang paghahain ng mandamyento de aresto sa kanya.
Ayon rin sa CA, maling itinuring na “gospel truth” o buong katotohanan ang pahayag ng mga upisyal na umaresto sa kanya sa kabila ng mga ‘inconsistency’ o mga di nagtatagning detalye. Tinukoy rin nito na mali na hindi pinahintulutan si Maga na magprisenta ng dagdag na mga saksi pabor sa kanya.
Para sa Kapatid, grupo ng mga kaanak at kaibigan ng bilanggong pulitikal, ang 18-pahinang desisyon ay dapat magtulak sa lahat ng mga korte na dumaan sa mas mahaba at mas masusing pagrepaso sa lahat ng mga kaso ng estado laban sa mga ikinulong na aktibista at kritiko at ibasura ang mga ito dahil pawang mga “bunga ng nakalalasong puno” o pumapatungkol sa mga hindi balidong mandamyento.
Ayon kay Fides Lim, tagapagsalita ng Kapatid, “lubhang signipikante ang bagong desisyon ng CA dahil hindi lamang nito binabaligtad ang hatol laban sa isang aktibista at binibigyang-diin ang pangunahing konstitusyunal na proteksyon mula sa iligal na paghahalughog at pagsamsam… kundi pinakahuli ito sa mga desisyon at pagkapanalo sa korte laban sa crackdown ng dating rehimeng Duterte sa mga kritiko.”
Ikinalugod ni Maga at asawan niyang si Eleanor de Guzman ang desisyon ng CA. Sa isang pahayag ni Maga na nakapost sa Facebook, isinaad niyang, “Ang pagpapawalang-sala at pagtutuwid na ito ng CA sa maling paghusga sa akin ay maituturing na tagumpay hindi lamang sa akin kundi para sa iba pang mga bilanggong politikal na biktima ng mga iligal na aresto…”
Dagdag ni Lim, matapos ang desisyon ng CA, halatang-halata na ang kasong pagpaslang na isinampa laban kay Maga ay gawa-gawa lamang para gipitin at ikulong ang mga aktibistang tulad niya. “Gaano pa katagal ang hihintayin ni Maoj bago maibasura ang kaso laban sa kanya para mabuong muli ang kanilang pamilya?” tanong niya.