Hatol na maysala sa kasong rebelyon laban sa tagapagtaguyod ng karapatang-bata, kinundena

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Kinundena ng Salinlahi Alliance for Children’s Concerns at Free Sally Ujano Movement ang hatol na maysala ng Taguig Regional Trial Court kay Maria Salome Crisostomo-Ujano, 67, sa kasong rebelyon. Idinawit si Ujano sa isang engkwentro ng Bagong Hukbong Bayan laban sa mga sundalo ng gubyerno sa Quezon na naganap noong Nobyembre 2005. Sa desisyon ng korte noong Mayo 16, hinatulan si Ujano ng 10 hanggang 17 taon at apat na buwan ng pagkakakulong.

Unang inaresto si Ujano noong Nobyembre 21, 2021 sa kanyang tinutuluyan sa Barangay Mabolo, Malolos City, Bulacan. Isang taon siyang ikinulong sa Taguig City Jail-Female Dormitory sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig bago pansamantalang nakalaya sa pyansa noong Disyembre 29, 2022. Muli siyang inaresto at ikinulong ng mga pulis sa mismong araw ng hatol.

“Ang hatol na ito, na nakabatay sa gawa-gawang kaso ng rebelyon, ay malinaw na inhustisya at direktang atake sa masigasig na tagapagtanggol ng karapatang-bata sa Pilipinas,” ayon sa Salinlahi. Giit pa ng grupo, maghahatid ng labis na takot ang hindi makatarungang hatol na ito sa mga katulad niyang nagtataguyod ng karapatang-bata sa bansa.

Si Ujano ay kasalukuyang pambansang koordineytor ng Philippines Against Child Trafficking mula pa noong 2008. Nagsilbi din siyang executive director ng Women’s Crisis Center mula 2000 hanggang 2007. Naging masugid siyang tagapagsulong ng mga patakaran, panukala at mga batas na nangangalaga sa karapatan ng mga bata at kababaihan kabilang ang Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004.

“Sa maraming dekada, walang-pagod na itinaguyod ni Ms. Ujano ang adhikain ng bulnerableng mga bata sa Pilipinas. Ang pamumuno niya sa mga pambansang kampanya at adbokasiya ay naging mahalaga sa pagtataas ng kamulatan ng publiko tungkol sa isyu ng child trafficking,” ayon pa sa Salinlahi.

AB: Hatol na maysala sa kasong rebelyon laban sa tagapagtaguyod ng karapatang-bata, kinundena