Hatol sa 4 na pulis na sangkot sa Oplan Tokhang, ikinagalak ng pamilya at abugado

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Ikinagalak ng pamilya at mga abugado ang hatol na “guilty” o napatunayang nagkasala laban sa apat na pulis na pumatay kina Luis at Gabriel Lois Bonifacio noong 2016. Ang pagpaslang sa dalawa ay kaugnay sa huwad na gera kontra-droga ng noo’y rehimeng Duterte. Tulad ng libu-libong pinaslang sa “gera” na ito, iginiit ng naturang mga pulis na “nanlaban” ang dalawa kaya sila pinaslang. Ang hatol ay pang-apat pa lamang sa libu-libong mga biktima sa gerang ito. Isinampa laban sa mga pulis ang kasong “homicide.”

“Napakahaba na at mahirap ang daan tungo sa hustisya, na (resulta ng) pagpupunyagi ng pamilyang Bonifacio, kasama ang mga organisasyon at indibidwal na sumuporta sa kanila, at hindi dahil sa tunay na pagsisikap ng mga awtoridad,” pahayag ng National Union of People’s Lawyers-National Capital Region, ang grupo ng mga abugadong humawak sa kaso.

Ayon sa mga abugado, pinatunayan ng hatol na ang duguang kamay ng estado ang nasa likod ng Oplan Tokhang na pumatay sa libu-libong mahihirap. Gayunpaman, aapat na pulis na may mabababang ranggo lamang ang saklaw ng hatol na ito.

Habang ikinalugod ng pamilya at mga abugado ang pagkapanalo ng kaso, batid nilang “footnote” o maliit na bahagi lamang ito sa madugong kampanya na “hindi pa natatapos” at dumarami pa ang mga biktima hanggang sa kasalukuyan.

Ayon sa dahas.ph, umaabot sa 639 kaso ng pamamaslang na may kaugnayan sa pagsugpo sa iligal na droga ang naitala mula nang maupo si Marcos Jr hanggang Abril 30. Noong Mayo, nadagdagan pa ito ng 32.

AB: Hatol sa 4 na pulis na sangkot sa Oplan Tokhang, ikinagalak ng pamilya at abugado