Herd immunity at pagbabalik sa normal sa Pilipinas, sa 2030 pa?

Balita kahapon ang pagdating sa bansa ng 2 milyong dosis ng bakuna ng AstraZeneca mula sa Covax Faciltiy ng World Health Organization. Sa kabuuan, may 7.5 milyong dosis nang bakuna ang dumating sa bansa. Sapat ito para bakunahan ang 5.39% sa 77 milyon (o 70% ng populasyon) na kailangang maabot para makamit ang tinatawag na “herd immunity” o ang dami ng mga tao sa populasyon na kailangang mabakunahan para pangibabawan ang pagkalat ng sakit.

Bago nito, mahigit 5 milyong dosis pa lamang ang dumating sa Pilipinas. Kabilang dito ang biniling 4 milyong dosis mula sa Sinovac at 15,000 dosis na Sputnik V. Ang iba pa ay ang 1 milyong dosis ng Sinovac na “donasyon” ng China at 526,600 dosis ng AstraZeneca na donasyon ng Covax Facility.

Ayon sa website na herdimmunity.ph, noong Mayo 6 ay nasa 0.32% pa lamang ang nabakunahan ng dalawang dosis at 1.64% pa lamang ang naturukan ng unang dosis. Naglalaro lamang sa 35,000 hanggang 40,000 dosis ang naituturok kada araw mula katapusan ng Abril. Bago nito, nasa 26,800 lamang ang abereyds na naituturok kada araw. Noong Mayo 5, nasa 2.13 milyong dosis na iba’t ibang klaseng bakuna pa lamang ang naiturok. Noong katapusan ng Abril, nasa 1.1 milyong katao pa lamang ang nabakunahan (halong may 2-dosis at 1-dosis). Wala pa ito sa kalahati sa ipinagmayabang ni “vaccine czar” Carlito Galvez na “target” ng rehimen na 4 na milyong mababakunahan sa buwan ng Abril.

Sa ganito kabagal na pagbabakuna, tinatayang sa 2030 pa o siyam na taon pa bago maabot ng Pilpinas ang herd immunity para tuluy-tuloy nang makababalik sa normal na buhay. Para mabakunahan ang 70% ng populasyon sa loob ng 2021, kailangang 580,000 ang naituturok kada araw o mahigit 17 milyong dosis kada buwan sa susunod na walong buwan.

Sa Southeast Asia, ang Pilipinas ang ika-9 sa 10 bansa na may pinakamababang nabakunahan kada 100 ka tao sa kabila na ito ang may pinakamarami ngayong kaso ng impeksyon. Pinakamaraming nabakunahan kada 100 katao ang Singapore, habang pinakakaunti ang Vietnam na may mababang bilang ng mga nahawa dahil sa maagap at epektibong mga hakbanging pangkalusugan.

AB: Herd immunity at pagbabalik sa normal sa Pilipinas, sa 2030 pa?