Humanitarian mission sa militarisadong komunidad sa Aklan, tagumpay na naisagawa
Matagumpay na isinagawa ng pamprubinsyang balangay ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) sa Aklan ang dalawang araw na humanitarian mission sa komunidad ng mga mangingisda sa Barangay Cawayan, New Washington, Aklan noong Oktubre 12 hanggang 13. Layon ng naturang misyon na alamin ang kalagayan ng mga residente sa harap ng patuloy na pananakot, panggigipit at militarisasyon sa kanilang lugar.
Higit 40 boluntir ang tumungo sa komunidad para magsagawa ng imbestigasyon at pagsasadokumento sa mga pang-aabuso ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga karapatang-tao. Nagdala rin sila ng pagkain at tulong sa mga apektadong residente. Kabilang sa lumahok sa aktibidad ang dating kinatawan ng partylist na Bayan Muna na si Teddy Casino.
Ayon sa Bayan, naisagawa ang aktibidad sa kabila ng pananabotahe at intimidasyon ng AFP. Tinangka ng AFP na isabotahe ang misyon sa pamamagitan ng pagpapatawag ng sariling “pagpapatipon” ng mga residenteng tumatanggap ng programang 4Ps ng Department of Social Work and Development sa barangay hall. Sinubukan din umano ng mga ito na pigilan ang mga kalahok na dumalo sa misyon at nagpatrulya sa lugar ng aktibidad.
Tatlong buwan na ang operasyong militar ng mga sundalo sa barangay sa tabing ng inilulunsad nitong Civil Military Operations Competency Enhancement Training (CMO-CET) ng 301st IBde simula pa Hunyo 22. Ang 301st IBde ay ang yunit na salarin sa naganap na masaker sa mga Tumandok at serye ng iligal na pag-aresto sa mga magsasaka at katutubo sa Calinog, Iloilo at Tapaz, Capiz noong Disyembre 2020.
Ayon sa mga lokal na samahan sa komunidad, inookupa ng mga sundalo ang mga barangay hall at nagbabahay-bahay, nag-iinteroga nang walang ligal na batayan, at sapilitang nagpapasuko sa mga ligal na samahang masa bilang mga kasapi o tagasuporta ng rebolusyonaryong armadong kilusan.
Iginigiit ng Pamalakaya ang kagyat na demilitarisasyon ng naturang komunidad para normal na makapamuhay at makapagtrabaho ang mga mangingisda. Biktima ang mga mangingisdang kasapi ng Pamalakaya-Aklan sa panggigipit ng militar dahil tinutugis ang kanilang mga lider.
“Ang civil military na operasyon ng militar ay banta sa kabuhayan at mapayapang komunidad ng mga mangingisda, magsasaka at taumbaryo,” pahayag ni Ronnel Arambulo, pambansang tagapagsalita ng Pamalakaya at kalahok sa isinagawang humanitarian mission sa prubinsya.
Idiniin ng Pamalakaya na ang lokal na kasapian nito sa New Washington ay lehitimong mga mangingisda na kolektibong itinataguyod ang kanilang mga karapatan. “Sa partikular, iginigiit ng lokal na mga mangingisda ang ayuda mula sa gubyerno sa gitna ng implasyon ng produktong petrolyo at ibang batayang bilihin,” dagdag ng grupo.
Nanawagan ang mga kalahok sa humanitarian mission sa lokal na gubyerno ng Aklan, at lahat ng nagmamahal sa kapayapaan, na suportahan ang panawagan ng mga mangingisda at residente ng New Washington na wakasan ang militarisasyon sa mga komunidad.
Samantala, iniulat ngayong araw ng lokal na midya na hinaharas ng mga ahente ng etado ang mga pamilyang binista at nakatanggap ng tulong mula sa isinagawang humanitarian mission.