Hustisya at pagpapalaya sa mga biktima ng tortyur, ipinanawagan

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagprotesta sa harap ng Department of Justice ang SELDA (Samahan ng mga Ex-Detainee Laban sa Detensyon at Aresto) sa okasyon ng International Day in Support of Victims of Torture kahapon, Hunyo 26, para ipanawagan ang hustisya sa lahat ng mga biktima ng tortyur, kabilang ang mga biktima na nakapiit hanggang ngayon. Panawagan din nilang palayain na ang lahat ng mga bilanggong pulitikal na nakakulong sa gawa-gawang mga kaso.

Isa sa mga kaso na dinala ng grupo ang iligal na pagdakip, tortyur at patuloy na pagbimbin kay Ernesto Jude Rimando, isang mananaliksik ng mga manggagawa sa Cebu. Si Rimando ay inaresto ng PNP-CIDG sa Quezon City noong Enero 6, 2021 sa bisa ng isang warrant na para sa isang “Allan Morales.” Piniringan, tinortyur at ipinailalim siya sa interogasyon. Nasa Quezon City siya noon para magpagamot sa sakit na liver cirrhosis. Sa loob ng tatlong taon niyang pagkakabilanggo, lumala ang kanyang sakit tungong Stage 4 na liver cancer. Agaw-buhay siya ngayon sa Philippine General Hospital matapos magkasakit ng pneumonia. Panawagan nila ang kagyat na pagpapalaya kay Rimando para maalagaan siya ng kanyang pamilya sa kanyang mga huling araw.

Nananawagan rin ang grupo para sa kagyat na pagpapalaya sa kabataang mga aktibista na sina John Griefen Arlegui at Reynaldo Remias Jr na hinuli ng mga pulis noong Abril 13, 2019. Nagpapaskil noon ang dalawa ng mga poster para sa kandidatong si Neri Colmenares nang damputin at ipinailalim sila sa tortyur. Itinago sila ng mga pulis bago dinala sa isang presinto sa Bulacan kung saan nakakulong sila hanggang ngayon.

Ilan pa sa mga tampok na kaso ng tortyur ang ginawa sa mga Dumagat na sina Rocky Torres at Avellardo Avellanida na kasalukuyang nakapiit sa Metro Manila District Jail sa Taguig City.

“Karaniwan na ang tortyur sa mga bilangguan at mga pasilidad para sa detensyon sa Pilipinas,” pahayag ng SELDA. “Mas malala ito sa mga bilanggong pulitikal dahil di makatarungan ang kanilang pagkakabilanggo at dapat na hindi sila manatili doon ng dagdag pang isang minuto.”

Nanawagan ang SELDA na itigil na ang mapaminsalang paggamit ng tortyur, sa litaw na porma man o sa pamamagitan ng mabagal na pagpatay at sa kawalan ng dignidad na dinaranas ng mga bilanggo sa mga siksikang piitan.

AB: Hustisya at pagpapalaya sa mga biktima ng tortyur, ipinanawagan