Hustisya para sa magsasakang pinatay sa Masbate, ipinanawagan

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nananawagan ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ng hustisya sa pagpatay sa magsasakang si Elorde Almario, 43, residente ng San Carlos, Milagros, Masbate noong Abril 2. Si Almario ang ika-27 na magsasakang pinatay ng mga armadong pwersa ng estado sa isla sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Sa ulat ng Karapatan, dinukot ng apat na myembro ng CAFGU si Almario mula sa kanyang sakahan bandang alas-2 ng hapon sa araw na iyon. Makalipas ng ilang oras ng paghahanap ng pamilya, natagpuan ang bangkay ni Almario di kalayuan sa kanilang bahay. Sa ulat ng pamilya, may mga tama ng baril ang bangkay at bakas ang tortyur na dinanas ng biktima.

“Nakikilala na ang Masbate bilang ‘killing fields’ ng Bicol, sa harap ng 27 biktima ng ekstra-hudisyal na pamamaslang sa loob ng wala pang dalawang taon sa ilalim ng paghahari ni Marcos Jr,” ayon sa grupo.

Noon namang Abril 4, dinukot ng parehong grupo ng mga CAGFU si Nonong Monteseban, dating kapitan ng San Carlos. Matapos bugbugin, pinakawalan siya ng mga pasista dahil hindi umano siya ang hinahanap nila.

Ang malalang paglabag na ito ay nagaganap sa gitna ng pinatinding militarisasyon sa naturang barangay. Isa ang San Carlos sa pinangalanan ng militar na “hotspot ng kontra-insurhensyang” kampanya, kung saan itinuturing nitong mga myembro o tagasuporta ng Bagong Hukbong Bayan ang lahat ng mga residente sa komunidad. Katulad sa mga naunang mga sibilyan na pinatay ng militar, tinortyur muna ang biktima bago paslangin para likhain ang pinakamatinding terror sa komunidad.

AB: Hustisya para sa magsasakang pinatay sa Masbate, ipinanawagan