Hustisya para sa pagkamatay ng isang estudyante ng Rizal Technological University, ipinanawagan

,

Nagsama-sama ang mga estudyante ng Rizal Technological University (RTU) sa kampus nito sa Mandaluyong City noong Oktubre 27 para magtirik ng kandila at manawagan ng hustisya sa pagkamatay ng estudyante sa grade 7 na si Yuwan Lorenzo Magdato. Si Magdato, 12 taong gulang, ay nagpatiwakal noong Oktubre 19 dahil sa isyu sa kanyang pag-aaral.

Sa pangunguna ng Concerned Students for Justice and Peace (CSJP)-RTU, nagsagawa ng programa at nagtalumpati ang mga estudyante bilang pananawagan ng hustisya. Bago ang protesta, namahagi rin ng itim na ribon ang grupo noong Oktubre 26 para himukin ang mga estudyante.

Ayon sa mga kakilala at kaibigan ni Magdato, isa siyang mabait, palakaibigan, masayahin at matalinong estudyante. Nakakalungkot umano ang biglang pagkawala ng kanilang kaklase. Hinihinalang may kaugnayan sa pang-aabuso ng nasa kapangyarihan ang pagpapatiwakal ni Magdato.

“Walang lugar sa ating sintang paaralan ang paggamit ng sinuman sa kanilang awtoridad upang pagsamantalahan ang kahit sinuman. Hindi makatarungan ang kamatayan ni Magdato at dapat panagutin ang may sala nito,” pahayag ng Kabataan Partylist-RTU.

Giit pa ng mga grupo, dapat magkaroon ng pananagutan sa nangyaring trahedya ang administrasyon ng RTU at tigilan ang pagtatakip sa katotohanan upang pabanguhin lamang ang kanilang imahe.

“Dapat magsagawa ng bukas at transparent na imbestigasyon ang mga administrador hinggil sa nangyaring insidente, akuin ng pamunuan ang pagkukulang nito, at magsagawa ng karagdagang polisiya upang maiwasan na ganitong klase ng mga insidente,” ayon pa sa Kabataan Partylist-RTU.

Nagpaabot ang mga grupo ng pakikiramay sa pamilyang Magdato at hinimok ang mga kapwa estudyante na kalampagin ang administrasyon para sa agarang imbestigasyon at pananagutan.

Samantala, sinabi ng grupong Anakbayan na hindi ito ang unang pagkakataon na mayroong estudyanteng nagpatiwakal na may kaugnayan sa eskwela at pag-aaral. Sa konserbatibong tala mismo ng Department of Education (DepEd), hindi bababa sa 404 na estudyante ang nagpatiwakal noong 2021 hanggang 2022 habang 2,147 estudyante ang nagtangkang magpatiwakal.

Dagdag sa hindi maka-estudyanteng sistema ng edukasyon sa bansa, kulang na kulang ang mga pasilidad para tumugon sa pangangailangang mental ng mga kabataan. Sa datos ng DepEd, sa 60,957 eskwelahan sa buong bansa, 16,557 lamang ang guidance office na mayroong 2,093 lisensyadong guidance counselor.

Sa kabuuang populasyon ng mga estudyante na 28 milyon, nasa tumbasang isang guidance counselor sa kada 13,394 na estudyante, lubhang malayo sa mainam na tumbasang 1:250.

Anang Anakbayan, “ang ganitong mga insidente ay nagpapatampok sa kagyat na pangangailangan para sa komprehensibong mga reporma sa sistema sa edukasyon.”

AB: Hustisya para sa pagkamatay ng isang estudyante ng Rizal Technological University, ipinanawagan