Hustisya, sigaw ng mga biktima sa ika-9 anibersaryo ng sunog sa Kentex

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagsama-sama ang mga kaanak ng mga nasawi sa sunog at nakaligtas na mga manggagawa sa harap ng Kentex Manufacturing Corporation ngayong araw, Mayo 13 para muling manawagan ng hustisya. Hindi bababa sa 72 manggagawa ang namatay sa sunog noong Mayo 13, 2015 dahil hindi sila agad nakalabas sa mala-hawla na pagawaan nang sumiklab ang sunog sa loob nito. Nagmula ang sunog sa hindi maayos na pag-iimbak ng mga kemikal. Ang Kentex ay isang pagawaan ng tsinelas sa Valenzuela City.

Naglunsad ng maikling programa at nag-alay ng dasal ang mga nakaligtas at kaanak ng mga nasawi. Nakiisa at nakiramay sa kanila ang Kilusang Mayo Uno (KMU) at Labor Ministry-Diocese of Novaliches. Ibinahagi ni Ammied Rada, dating trabahante sa Kentex na pinabayaan sila ng may-ari ng pagawaan sa kabila ng mga pangako nitong tutulungan sila. Dalawa sa mga kapatid niya ang nasawi at isa ang nakaligtas sa trahedya.

Malaon nang naninindigan ang mga grupo sa paggawa na hindi simpleng aksidente ang nangyari, taliwas sa pinalabas ng may-ari ng kumpanya. Anang mga manggagawa, ang sunog ay bunga ng paglabag ng Kentex sa batayang mga batas sa paggawa at Occupational Health and Safety Standards.

Sa halos isang dekada, walang napanagot at ipinawalang-sala pa ng mga korte ang mga may-ari ng kumpanya at mga upisyal ng gubyerno na nasangkot sa kapabayaan. Ibinasura ng Sandiganbayan noong Hunyo 2017 ang kaso ng graft at reckless imprudence laban kina Rexlon Gatchalian, noo’y mayor ng Valenzuela City, at dalawang iba pa.

Noong Setyembre 2020, ibinasura ng korte ang kasong reckless imprudence resulting in multiple homicides and injuries laban sa mga upisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP) at pangkalahatang manedyer ng kumpanya na si Terrence King Ong. Nakatakas sila sa pananagutan sa kabila ng malinaw na mga paglabag sa karapatan ng mga manggagawa para sa ligtas na lugar sa paggawa.

Binatikos ng Kilos na Manggagawa ang kawalan ng hustisya para sa mga manggagawa ng Kentex maging ang pagiging notoryus nito sa mababang pasahod at malawakang kontraktwalisasyon sa pagawaan.

Napag-alaman naman ng mga manggagawa kamakailan na balak ibenta ang Kentex sa ibang kumpanya. Paniniwala ng mga manggagawa na taktika lamang ito para takasan ang pananagutan sa naganap na trahedya.

AB: Hustisya, sigaw ng mga biktima sa ika-9 anibersaryo ng sunog sa Kentex