Huwag nang ipagpaliban ang 100% pagbabalik ng mga estudyante sa mga eskwelahan
Ituloy na ang paghahanda para sa ligtas na pagbubukas ng mga paaralan sa Setyembre at pagbabalik ng lahat ng mga estudyante sa kanilang mga klasrum sa Nobyembre. Ito ang panawanag ng ACT Teachers Party sa Department of Education kahapon, Hulyo 10.
Ayon kay ACT Rep. France Castro, sobrang tagal na ng palpak ng distance learning. “Sobrang naantala na ang pagbabalik sa face-to-face classes,” aniya. “Ang sistema natin sa edukasyon ay dumaranas ng isang mayor na krisis sa pagkatuto dahil sa di sapat na mga kagamitang pang-eskwela, di maasahang kuneksyon sa internet, kawalang suporta para sa modular learning, at iba pang salik na nagbubunga sa pagiging inaccessible (o di natatamasa) nito at pagsasakripisyo sa kalidad ng edukasyong nakukuha ng mga estudyante.”
Hindi na kaya ang isa na namang pagpapaliban sa pagbabalik sa mga klasrum. Tungo rito, dapat tiyakin ng DepEd at ng administrasyong Marcos Jr na sapat ang rekurso para sa ligtas na pagbabalik ng mga klaseng face-to-face.
Inirekomenda ng ACT ang 35 estudyante kada klasrum. Ibig sabihin nito, dapat dagdagan ang mga titser para sa dagdag na mga seksyon. Ibig din sabihin nito ang dagdag na mga nars at sapat na bilang ng mga utility personnel para matiyak na napangangalagaan ang kalusugan ng lahat ng nasa loob ng paaralan.
Hinggil sa rekomendasyong ipagpaliban ang pagbubukas, mungkahi ng ACT na bigyan ng sapat ng kabayaran o service credit ang lahat ng mga gurong nagtatrabaho pa lagpas ng Hunyo 24.
“Bigyan natin ng sapat at tamang kompensasyon ang trabaho na ginagawa ng teacher para sa paghahanda sa paparating na bagong school year na hindi isinasakripisyo ang kalidad ng edukasyon na matatanggap ng mga mag-aaral lalo na ngayong naghahabol tayo sa malalang krisis sa edukasyon na dinaranas ng ating bansa,” ayon kay Rep. Castro.
Kaugnay nito, nagpanukala ang ACT sa Kongreso ng resolusyon para dagdagan ng ₱32 bilyon ang badyet para sa mga pampublikong paaralan. Nagpanukala din siya na gawing pinakamataas na prayoridad sa pagbabadyet ang edukasyon, kung saan ilalaan ang 6% ng gross domestic product ng bansa sa mga ahensya at instrumento na may kaugnayan sa edukasyon.