#IDEVAW2021: Basagin ang katahimikan at tumindig laban karahasan sa kababaihan at bata!
Pinangunahan ng Gabriela Women’s Party ang paggunita sa Pilipinas ng International Day for the Elimination of Violence Against Women 2021 (Internasyunal na Araw para Wakasan ang Karahasan Laban sa mga Kababaihan o #IDEVAW2021) noong Nobyembre 25. Ipinagdiwang ang okasyon sa pamamagitan ng isang pagtitipon sa Commission on Human Rights, Quezon City, alas-3 ng hapon.
Tampok sa aktibidad ang iba’t ibang mga pangkulturang pagtatanghal katulad ng pagpinta ng mural, at mga talumpati tungkol sa pagsusulong sa karapatan ng mga kababaihan. Nagbigay-pugay si Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas sa kolektibong pagpupunyagi ng mga kababaihan na nagsisilbing pwersa para sa pagtutulak ng mga repormang maka-kababaihan gaya ng Anti-Violence Against Women and Children Law. Pinangunahan ni Brosas ang simbolikong pagpirma sa tarpolin na naglalaman ng panata ng kababaihan para basagin ang katahimikan at ipagtanggol ang mga kababaihan at bata laban sa pang-aabusong sekswal at karahasan.
Isinabay sa pagtitipon ang paglulunsad sa kampanyang #BreakTheSilence (“Basagin ang katahimikan! Tumindig laban sa lahat ng porma ng karahasan laban sa kababaihan at bata!”) sa gitna ng dumaraming kaso ng abuso at karahasan sa kababaihan. Ayon sa Gabriela, tinatayang tatlo hanggang limang kaso ng karahasan laban sa kababaihan at bata ang naiuulat sa grupo kada araw. Sa gitna ng pandemya, tumaas nang 63% ang bilang ng “search query” tungkol sa Gabriela o naghahanap ng impormasyon sa internet tungkol dito.
Nakiisa rin ang Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan o MAKIBAKA sa paggunita sa #IDEVAW2021. Anito, “ginugunita ang okasyon para iangat ang kamulatan ng mamamayan sa iba’t ibang porma ng karahasan laban sa kababaihan at ang masahol na katotohanan ng pagiging malawak at malaganap nito sa buong mundo.” Gayunpaman, dagdag ng MAKIBAKA, “hindi lamang tumutukoy ang makabuluhang petsa sa karahasan na nakabatay sa kasarian.”
Nakaugat ang makasaysayang okasyon na ito sa pagpaslang sa tatlong kababaihang magkakapatid na sina Patria, Minerva at Maria Teresa Mirabal sa Dominican Republic noong Nobyembre 25, 1960. Pinagpupugayan sa buong mundo ang magkakapatid sa kanilang aktibong pakikilahok sa kilusang kontra-diktadura sa kanilang bansa. Ayon sa MAKIBAKA, 61 taon matapos ang pagpaslang sa kanila, lalupang nagiging mas makabuluhan at mahalaga ang rebolusyon. Binigyang diin ng MAKIBAKA na “(a)ng armadong paglaban na may sosyalistang perspektiba ay nananatiling mapagpasyang landas para wakasan ang karahasang nakabatay sa kasarian hanggang sa ganap na paglaya ng mga kababaihan.”
Kasabay nito, humugos sa lansangan isa iba’t ibang panig ng mundo ang puu-puong libong mga kababaihan at kanilang mga tagasuporta para gunitain ang #IDEVAW2021. Nagkaroon ng mga pagtitipon sa mga bansang Mexico, Spain, Turkey, France, UK, Chile, Venezuela, Bolivia, Uruguay at Guatemala. Sa Turkey, ginamitan ng mga pulis ng tear gas ang mga raliyista para pigilan ang kanilang pagkilos.