Balita

Ika-125 taong anibersaryo ng gerang Pilipino-Amerikano, ginunita sa protesta

Nagprotesta ang mga grupong pambansa-demokratiko sa harap ng embahada ng US kahapon, Pebrero 4, upang gunitain ang ika-125 taong anibersaryo ng pagsisimula ng gerang Pilipino-Amerikano na pumatay ng daan-daang libong Pilipino. Mahigit 20,000 sundalong Pilipino at mahigit 200,000 sibilyan ang napatay sa gera, liban pa sa tinatayang isang milyong namatay sa gutom at sakit na dulot ng gera.

“Mahigit isang siglo matapos nito, nagpapatuloy na banta sa mundo ang US war machine,” ayon sa Bagong Alyansang Makabayan. Inihalimbawa ng grupo ang pagsuporta ang US sa henosidyo ng mga Palestino sa Gaza at pang-udyok nito ng gera sa East Asia gamit ang mga base militar at forward troop deployment nito.

“Interesado lamang ang US sa walang katapusang mga gera para itulak ang hegemonya nito,” ayon sa grupo. Tinawag nitong salot sa mundo ang US at “hindi kaibigan” ng mga Pilipino.

“Ginugunita namin ang araw na ito na may panawagan para sa pagwawakas sa presensya at panghihimasok ng US sa Pilipinas, at pagtigil sa kampanyang henosidyo ng Israel na suportado ng US,” anito.

Kabilang sa mga lumahok sa rali ang mga mamamayang katutubo at Moro sa ilalim ng Katribu Alliance and Sandugo Movement. Nanawagan sila sa kapwa mga Pilipino at Muslim na patuloy na kundenahin ang pambobomba ng Isarel sa Palestine. Kinundena din nila ang gubyernong Biden ng US sa pagsuporta nito sa Israel at sa pagkakait ng pondo sa UNRWA (United Nations Relief and Works Agency for Palestine Refugees in the Near East).

AB: Ika-125 taong anibersaryo ng gerang Pilipino-Amerikano, ginunita sa protesta