Ika-30 anibersaryo ng Stonewall Manila, ginunita

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Ginunita ng grupong Bahaghari noong Hunyo 26 ang ika-30 anibersaryo ng Stonewall Manila, ang kauna-unahang martsa na pinangunahan ng mga bakla at lesbyana sa Pilipinas at sa buong Asia. Hango ang okasyon sa Stonewall Riots na naganap sa New York noong 1969 na itinuturing na susing pangyayari sa pagbwelo ng kilusan para sa mga karapatan ng mga nasa komunidad ng LGBT.

Sa Pilipinas, pinangunahan noon ng organisasyong Progressive Organization of Gays in the Philippines (ProGay) at ng Metropolitan Community Church (MCC) Manila ang pagsusulong ng mga karapatan ng LGBT. Liban dito, dinala nila sa kanilang martsa ang pangkalahatang laban ng mamamayang Pilipino, partikular ang pagpapatupad ng value-added tax (VAT) at pagtaas ng presyo ng langis na lubos na nagpahirap sa mamamayan.

“Mula noon, nagkaroon na ng pag-unlad ang paggunita ng Pride sa bansa dahil sa pormasyon ng mga LGBTQ+ na mga organisasyon sa buong bansa,” ayon sa Bahaghari. “Gayunpaman, patuloy na dumaranas ng diskriminasyong nakabatay sa gender ang mga nasa komunidad na ito, sa mga eskwelahan, sa mga trabaho at iba pang lugar.” Nananatiling kalunos-lubos ang kalagayan ng mga LGBTQ+, ayon sa grupo.

Isa sa malalaking kaso ang pagpatay kay Jennifer Laude ng isang Amerikanong sundalo at ang mga usaping ibinukas nito kaugnay sa presensya ng mga tropa ng US sa bansa sa ilalim ng Visiting Forces Agreement. Ang kaso ni Laude ang nagsilbing mitsa sa pagbubuo ng Bahaghari bilang isang pambansa-demokratikong organisasyon ng LGBTQ+ at tagapagmana ng organisasyong Pro-Gay.

“Tulad ng Pro-gay at LESBOND (Lesbians for National Democracy), nais naming magkaroon ng mas maayos na lipunan para ipaglaban ang karapatan ng LGBTQ+ at para rin mapalaya ang sambayanang Pilipno mula sa pang-aapi ng imperyalismo, burukrata-kapitalismo at pyudalismo,” ayon sa grupo.

Kabilang sa mga ipinanawagan ng Bahaghari ang pagpasa ng batas laban sa diskriminasyon at karahasang gender-based at para sa pagtatanggol sa mga karapatan ng LGBTQ+ sa lipunan; pagbabasura sa VFA, EDCA, MDT at iba pang tagibang na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at US; pagbabasura sa mga patakarang neoliberal, tulad ng charter change, na nagbubukas sa mga rekurso ng bansa sa mga dayuhan; pagtigil sa pribatisasyon ng mga serbisyong panlipunan; at independyenteng patakarang panlabas.

AB: Ika-30 anibersaryo ng Stonewall Manila, ginunita