Ika-35 anibersaryo ng CARP, sinalubong ng protesta

Inilunsad ng mga magsasaka mula sa Southern Tagalog at Central Luzon kasama ng iba pang sektor ang 2-araw na kilos protesta nitong Hunyo 8-9 sa Maynila upang patampukin ang kanilang mga panawagan kasabay ng paggunita sa ika-35 taong anibersaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Ipinasa ang naturang batas sa panahon ng rehimeng US-Aquino I.

Sa ilalim ng panawagang “Martsa ng Magbubukid para sa Lupa, Kapayapaan at Hustisya,” nagsalubungan ang mga magsasaka mula sa iba’t ibang panig ng bansa sa harap ng Department of Agrarian Reform sa unang araw ng pagkilos. Tumungo sila sa Mendiola sa pangalawang araw upang kalampagin ang rehimeng Marcos sa napakong mga pangako ng huwad na batas para sa repormang agraryo at kawalan ng aksyon sa samut-saring usapin ng mga magbubukid sa buong bansa.

Pangunahin nilang panawagan ang lapat na programang reporma para matugunan ang dekada nang problema sa kawalan ng lupa at patuloy na pangangamkam pa nito sa kasalukuyan. Tampok rin ang paggiit nila ng hustisya sa mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao at paglalantad sa mas lumalala pang militarisasyon sa kanayunan na nagpapahirap at kumikitil sa batayang karapatan ng mga magsasaka.

“Ang pangunahing katotohanan ay nananatiling wala pa ring tunay na reporma sa lupa. Kung wala ito, ang kawalan ng lupa ng mga magsasaka ay lalong lalala, at ang lokal na agrikultura at ekonomya ay mananatiling bansot,” pahayag ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.

Iginiit rin nila na ang tanging solusyon para iwaksi ang monopolyo sa lupa ay pagsasabatas ng tunay na reporma sa lupa na maglalaman ng libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka, pagsusulong ng sistemang kooperatiba, pagbibigay ng masinsing suportang serbisyo, at pagtatayo ng mga industriya sa kanayunan para sa pambansang pag-unlad.

Nanindigan silang sa pamamagitan lamang ng pagpapatupad nito matutuldukan ang daang taong pakikibaka ng masang magsasaka para sa hustisyang panlipunan, trabaho at kabuhayan sa kanayunan, kagutuman, at pangangalaga sa kalikasan.

Anila, sinayang lamang ng CARP ang ₱306 bilyong pampublikong pondo na inilaan mula 1988 hanggang 2016, kasama ang ₱77 bilyong pondo mula sa nabawing ninakaw na yaman ng pamilya Marcos, at ₱188 bilyon na taunang badyet ng gubyerno. Kahit na makailang ulit pa nitong palawigin ang CARP ay mananatili pa rin itong palpak dahil hindi lapat para sa mga magsasaka ang naturang reporma. Marami pa rin ang nakatiwangwang na lupa at marami pa rin ang mga magsasakang walang lupa at nakikisaka na lang.

Samantala, napahinto nang isang taon ang paniningil ng bayad sa lupa ng 610,000 benepisyaryo ng huwad na CARP dulot ng tuluy-tuloy na paggiit ng masang magsasaka. Gayunpaman, hindi natatapos dito ang paglaban lalo at wala pa ring tunay na reporma sa lupa. Itinutulak ngayon ng rehimeng Marco Jr ang samutsaring iskema para agawin ang mga lupang naipamahagi na para sa ibayong liberalisasyon ng lupa at agrikultura. Nagtutulak din ito ng mga pakanang tulad ng Masagana 99 na muling magbabaon sa mga magsasaka sa utang.

Nananatili ang banta ng malawakang pagpapalayas at pangangamkam sa lupa dahil sa pangangayupapa ng rehimeng US-Marcos Jr sa mga imperyalistang bayan sa pamamagitan ng pagpasok nito sa RCEP at IPEF na pinangungunahan ng US at China. Pahihigpitin ng naturang mga kasunduan ang imperyalistang kontrol sa lokal na kalakalan at merkado. Bukod pa ito sa direktang panghihimasok, sa pamamagitan ng pautang, ng mga institusyong imperyalista sa lokal sektor ng agrikultura. Bahagi dito ang ₱19 bilyong pautang ng World Bank sa mapanlinlang na SPLIT Project na naglalayong buwagin ang mga kolektibong CLOA para mas madaling ibenta ang mga indibidwal na parsela ng lupa. Liban pa rito ang pinondohan rin ng World Bank na Philippine Rural Development Project (PRDP) Scale-Up na nagsusulong na pataasin ang bilang ng mga produktong inaangkat sa ibang bansa. Para ito, handang magpautang ang institusyon ng ₱45 bilyon.

Dagdag rito, tila nililibot rin ni Marcos Jr ang buong mundo para ibenta sa mga dayuhang mamumuhunan ang likas na yaman ng Pilipinas sa mga multinasyunal at transnayunal na korporasyon. Kabilang sa inengganyo niya ang Charoen Pokphand Group, isang agro-industrial at food conglomerate, na nangakong magbibigay ng $2.5 bilyon bilang puhunan sa agrikultura.

Ipinagpapatuloy din ni Marcos Jr ang patakaran ng pagpapalit-gamit ng mga lupang agrikultural (land use conversion) at pagpapapasok ng mga dayuhang kumpanya. Iniraratsada ngayon ng kanyang mga alipures sa Kongreso at Senado ang National Land Use Act (NaLUA) at ang 30-taon na National Infrastructure Program na magpapasahol pa lalo sa problema sa lupa. Itinutulak rin niya ang pagpapahintulot sa 100% pagmamay-ari ng dayuhan sa mga lupang agrikultural.

AB: Ika-35 anibersaryo ng CARP, sinalubong ng protesta